Maaga pa kung huhusgahan, pero sa itinatakbo ng relasyong Marvin Agustin at Pauleen Luna ay mukhang masasabi na nagkakasundo ang dalawa. Ito ay sa kabila ng humigit-kumulang sampung taon ang tanda ng aktor sa young actress. Bukod pa rito ang katotohanang may responsibilidad na si Marvin sa buhay bilang isang binatang ama.
Balita na wala naman daw problema pareho sa pamilya nina Marvin at Pauleen. Pero para sa iba, mukhang nagkakaproblema raw sa career ni Pauleen dahil unti-unti raw nananamlay ang career niya mula nang ma-link siya kay Marvin.
"Sana naman huwag ako ang gawing dahilan. Alam mo naman ang nangyayari sa buhay ng isang tao, di ‘yan kagagawan ng iba. Desisyon mo ‘yan sa buhay, so unfair naman na iturong ako ang reason sa isang bagay na di naman totoo. As I can see, I don't think that's true," nakangiting paliwanag ni Marvin sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) last January 14 sa backstage ng SOP.
Marami ang nagulat sa ginawang pagpo-pose nang sexy ni Pauleen sa Uno magazine. Hindi naman ikinaila ni Marvin na medyo hindi niya ito nagustuhan. Pero sinabi rin ni Marvin na kung saka-sakaling ulitin ito ni Pauleen ay di siya tututol, lalo't wala silang pakialamanan pagdating sa kani-kanilang career.
"Sa relasyon namin ni Pauleen, walang ganun. In a way, I feel bad but I don't have any right na pigilan siya kasi career niya yun. Ako rin, may career din akong sarili. Ayokong one day, sasabihin naming ‘Hindi ko ginawa ito kasi sabi mo.' Sa amin kasi, yung happiness mo, gawin mo. Huwag naming limitahan ang sarili namin."
Ayaw pa ring lagyan ng label ni Marvin kung ano ba ang tunay na relasyon na namamagitan sa kanila ngayon ni Pauleen. Ang sinabi lang ni Marvin ay masaya sila sa piling ng isa't isa at nagmamahalan sila.
"Masayang-masaya! Okay kami. Wala pang masasabing pormal na relasyon, basta mahal namin ang isa't isa. Mayroon mang mga kaunting maliliit na problema, pero kasama naman talaga yun. Yun kasi ang nagpapatibay ng pagmamahal ninyo sa isa't isa," paliwanag pa ni Marvin.
Ang isa pang ikinagusto ni Marvin kay Pauleen ay ang pagtanggap ng young actress sa katayuan niya bilang binatang ama. Hindi naman kasi kaila sa lahat na may kambal na anak na si Marvin sa dati nitong non-showbiz girlfriend na si Tetet Dy, anak ni dating Isabela Governor Faustino Dy.
"I admire her for that. Lalo ko siyang minahal na tinanggap niya yun at di naging malaking issue sa kanya," sabi ni Marvin tungkol kay Pauleen.
Sa parte naman ni Marvin, tanggap niya ang ilang kundisyon na ibinigay ni Pauleen at ng kanyang mga magulang sa binata. Isa na rito ang hindi sila maaaring lumabas na sila lang o pumunta sa mga lugar na wala silang chaperon.
"'Pag mahal mo ang isang tao, mag-a-adjust at mag-a-adjust ka sa kung ano ang puwede at ano ang dapat. Lahat naman nagiging tama ‘pag pag-ibig na ang nagsalita. Inaalagaan namin ang isa't isa. Ang dami kong natutunan sa kanya... Mga bagay-bagay na di mo malalaman kung hindi siya ang partner mo sa buhay," pagmamalaki pa ni Marvin.
"Sa paghihigpit ng parents niya, I totally understand kasi magulang yun. Isang pagpapatunay lang yun na mahal nila ang anak nila at inaalagaan nila," dagdag pa niya.
Very proud din si Marvin sa kanyang kambal na sina Santiago at Sebastian.
"One year old na sila... Mas nagkaroon ako ng direksiyon. Mas nagkaroon ng extension ang buhay ko na mas mag-ingat ako sa lahat ng bagay ngayon. Gusto ko kung ano ang gagawin ko, yun ang gagawin ng mga anak ko. Kung anuman ang nakikita nila, gusto ko na maging good example sa kanila," nakangiting pahayag ni Marvin bilang pangwakas.
Regular na mapapanood si Marvin sa action-romance adventure series na Asian Treasures sa GMA-7.
