"Alam mo bang ako ang tatay mo?" tanong ni Willie Revillame sa isang batang babae sa set ng Wowowee.
Nagdiwang ng kaarawan ang host sa kanyang programa noong Sabado, Enero 27. Inihayag ng panganay ni Willie, si Meryll Soriano, na mayroong surprise guest na gustong bumati. In-escort ni Meryll ang tatlong-taong- gulang na si Marimonte patungo ng stage.
"Kasi ho, anak ko to e," patuloy ng host habang kausap ang audience. "Actually, pangalawang beses ko na siyang nakita nung maliit pa siya. Nung ikakasal na ko ulit, tumawag sa 'kin yong kanyang mommy. Kinausap niya ako, ‘Gusto ka daw kausapin ng baby mo.' Sabi ng bata, ‘Hello? Willie? Ikaw ba tatay ko?' Tapos sabi ko, ‘Oo.' [Sabi niya,] ‘Ikakasal ka na naman?' Ang cute, di ba?"
Ilang buwan pa lamang ang nakararaan mula nang masangkot ang Wowowee host sa kontrobersiya nang magsampa ng kasong annulment of marriage ang kanyang asawang si Liz Almoro. Isa sa mga rason na isinaad sa petisyon ni Liz ang diumano'y pananakit ni Willie sa kanya at sa kanilang anak na si Juamee. Dahil ang kaso ay pumapaloob sa family court, pinagbawalan ang dalawang kampo na magsalita tungkol sa kaso. Hindi pa nakakasama ni Willie ang kanyang mag-ina mula nang magsimula ang kaso.
"Apat ho 'yong anak ko e. Wish ko lang sana mabuo ‘yong... Makasama ko... Bago ako mawala sa mundo, makita ko talaga mga anak ko. Makasama ko, kahit isang araw lang," pahayag ni Willie sa telebisyon.
Makulay ang history ni Willie pagdating sa pagiging ama. Panganay ni Willie si Meryll kay Bec-bec Soriano, na kapatid ni Maricel Soriano. Ito ay di lumaki sa kanya. Mayroon din siyang isang 21-anyos na anak, si L.A., na nag-aaral sa La Salle at naninirahan sa Laguna. Matagal na rin niya itong hindi nakikita. Ang ikatlo ay si Marimonte, na ngayon lang din niya nakita matapos ang mahabang panahon. Ang ika-apat ay si Juamee na hindi na rin niya nakikita ngayon dahil nga sa isinampang kaso ng ina nitong si Liz laban kay Willie.
Ikinuwento ni Willie sa isang interview sa The Buzz ang sorpresang pagbisita ni Marimonte sa programa. "Nagulat ako. Hindi ko ine-expect talaga. Kumbaga, siyempre, eight months hindi ko nakikita... walang communication."
Kasama ni Marimonte Chanel ang kanyang ina na si Sharon Beduya, na lumuwas ng Maynila galing Baguio kung saan sila nakatira.
"Mabait naman ‘yon from the start," paglalarawan ni Willie sa kanyang dating nakarelasyon. "Sabi lang niya sa akin, ‘Kahit ganito ‘yong nangyari sa atin, I just want you to know na ''andito ka.' Kasi ‘yong affair naman namin, hindi alam [ng tao] ‘yong nangyari. May ganoong pagkakataon talaga. Wala siyang ginawang iskandalo. Ibig sabihin, wala siyang ginawa sa akin na tinakot ako. Nagpapasalamat ako kay Sharon na 'eto nga, hindi niya pinagdamot ang bata sa akin. At least, isa-isang naaayos."
Dagdag pa nito patungkol sa muling pagkikita nila ng anak, "So ‘yong communication, pwede nang dalawin... Pwedeng hiramin paminsan-minsan kasi nag-iisa ka lang sa bahay, masarap may makasama kang dugo mo."
Inamin ni Willie na bagama't tila nakumpleto ang kanyang kaarawan sa pagdating ni Marimonte, mayroon pa ring kulang. "Siyempre ,iba ‘yong kumpleto ang pamilya, ‘yon ang pinaka-importante. Napupunuan naman ng mga kaibigan. Mabigat lang diyan, pangungulila. Ang importante, kahit papaano, napapatchihan ng ibang tao."