Aksidenteng nakasalubong namin ang sexy star-comedienne na si Keanna Reeves sa Robinsons Galleria kahapon, January 29, habang nagpapapalit ng batteries ng kanyang mga relo. Sinamantala na rin namin ang pagkakataon upang kunan siya ng pahayag tungkol sa ilang issues na kinasasangkutan niya sa kasalukuyan.
Una na rito ang balitang pareho raw nag-flop ang dalawang solo-starrers niya last year na Binibining K ng Reality Entertainment at Reyna ng Viva Films.
"Naku, yung Binibini lang naman dahil panahon 'yon ng mga nega write-up sa akin kaya di masyadong pinanood. Pero yung Reyna, naka-two weeks 'yon. Alam ko na kumita kapag ganoon. Nagtatanong din ako. Survey, di ba?" paglilinaw ng Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Edition winner.
Ipinagkibit-balikat din ni Keanna ang paratang ng ilan na "jinx" siya kaya hindi kumikita ang kanyang mga pelikula.
"Talaga? E bakit yung Shake, Rattle and Roll 8 ay naging pangatlo sa top movies sa [Metro Manila] film festival? Bakit kumita kung malas ako?" balik-tanong pa niya.
Mariin ding pinabulaanan ng sexy star-comedienne na binitawan na siya ng Backroom—ang talent management company ni Boy Abunda—dahil diumano sa sobrang pagiging kontrobersiyal at nega ng mga publicities niya.
"Hindi ah! Wala naman, nag-uusap pa rin kami ni Tito Boy. Mayroon bang ganyan? Kasi huminto ako ng pagbabasa ng dyaryo noong mainit pa kami ni Andrew Wolfe. Sinabi ba 'yon ni Boy? Ano ba ang balita?" nagtatakang sabi ni Keanna.
Ilan taon ba ang kontrata niya sa Backroom?
"Si Tito Boy, di naman nagpapapirma ng kontrata. Lahat naman e, kasi policy niya 'yan. Pag masaya kayo sa manager mo, siyempre di ka aalis, di ba? Kung may problema, puwede kang umalis any time, kasi nga walang kontrata," paliwanag niya.
"Kaya parang policy niya [Boy] 'yon na ayaw niya ng contract-contract kasi kung hindi magkasundo, madali lang ayusin. Saka si Tito Boy, siya pa ang nag-advise sa akin na huwag akong malungkot kung wala akong pelikula dahil mahirap ang pelikula ngayon. Basta ang alam ko 'yong sa mga campaign-campaign, isasama ako sa mga pulitiko.
"Alam mo ang bait ni Boy dahil hindi siya humingi ng commission sa napanalunan ko sa PBB. Sabi niya, nabawasan na 'yon ng tax at kung kukuha pa siya ng commission, wala nang matitira sa akin," nakangiting niyang pahayag.
Nabanggit na rin lang niya si Andrew Wolfe, kinumusta na rin namin kay Keanna ang controversial model. Matatandaang bumalik ng Amerika si Andrew last year dahil sa sunud-sunod na kontrobersiya na kinasangkutan niya—ang "bugbugan" issue nila ng dating girlfriend na si Gwen Garci at ang boxing match incident nila ng magkapatid na Cesar at Rommel Montano.
Tinanong namin si Keanna kung may communication pa sila ni Andrew at nagulat kami nang sabihin niya na nandito na pala ulit sa Pilipinas si Andrew.
"Mayroon, palagi nga siyang nagti-text. Nandito siya ngayon at noong nag-text nga siya, nasa Boracay siya. Dumating siya noong New Year. Nalaman ko lang dahil may nagsabi sa akin. ‘Tapos nagkita kami sa gimikan, nagkumustahan," pagbabalita ni Keanna
"Ayaw niya ng relasyon ngayon, sakit daw sa ulo. Hindi sa akin sumakit ang ulo niya kundi sa press. Ayaw na niya mag-showbiz dahil magulo. Nasira ang kanyang pag-aaral dahil ipinagpalit niya ito sa isang babae. Kaya nga bad shot siya sa kanyang ama sa States," kuwento pa niya.
"Concentrate daw muna siya sa pag-aaral ngayon. Ipagpapatuloy na niya ang kanyang pag-aaral at puwede pa rin daw siya sa modeling, pero ayaw na niya sa showbiz. Ano 'yon, 'yong nangyari sa kanya?" tanong pa niya sa amin.
You mean, traumatic?
"Oo, traumatic! Naku, talagang naloka siya sa nangyari sa kanya! Kaya nga dapat mayroon kaming isang charity, magpapakain kami sa... Saan bang hospital 'yon? Kasama namin 'yong dating manager niya sa modelling na binugbog daw na nag-guest sa The Buzz, pero nang malaman ni Andrew na baka raw may media, baka mabuhay muli ang mga issue-issue noon kaya umiwas siya," sabi ni Keanna.
"Ayaw daw niya. Talagang traumatic siya. Nagulo ang kanyang buhay noon dahil daw sa press. Naku, bakit ako nagkuwento? Sabi niya ayaw niya. Lagot! Okay lang dahil friends naman kami," natatawang pahayag niya.
Ano ba talaga ang naging relasyon nila ni Andrew?
"Kami? Parang walang formal na naging kami. Parang nagkasundo lang kami, parang ganun. ‘Tapos may nangyari, mga ganun," nakakaintrigang sagot niya.
Nang linawin namin kung ano ang ibig niya sa "may nangyari," tumawa muna si Keanna at saka sumagot.
"May nangyaring mga issue, parang ganun. Hindi kasi ako sanay na ligaw-ligawan. Kasi kung hindi kayo nagkaintindihan, siguro hindi na kayo nagti-text, ‘no! Saka hindi rin kayo magtatagal," paglilinaw niya.
"Maganda nga ang nangyari ngayon dahil naging close kami kasi sinasasbi niya sa akin ang mga secrets niya. Nagkukuwentuhan kami tungkol sa buhay. Kaya parang 'yong pormalan na kuwento, hindi mga kalokohan. Kaya maganda," sabi pa ni Keannna bilang pangwakas.