Very apologetic si Jay-R Siaboc na naging issue nila ni Sam Milby over an earring.
Sa unang pagkakataon yata na nakausap namin ang salutatorian ng Pinoy Dream Academy last Holy Monday, April 2, sa Dencio's katabi ng naging eskuwelahan niya, seryosong makipag-usap ang Cebuano at napakatipid ng ngiti. Nalaman niyang nagka-issue pala ang patawa niya about the earring na hiningi niya kay Sam on their trip to Japan. At ngayon ay binubomba siya ng mga supporters at kaibigan ng Film-Am actor/singer na galing naman sa Pinoy Big Brother.
Sa isang press con daw, nang may nakapansin sa suot niyang hikaw at tinanong kung saan nanggaling, biglang nagbaklang galaw si Jay-R at sinabing "kay Papa Sam." Na-pick up ito ng ilang manunulat at nakarating sa mga kaibigan ni Sam kung kaya't napupulaan siya ngayon na binigyan na nga ay binastos pa ang nagbigay.
"Ginawa ko po yun pero wala talaga akong ibig sabihin. Hindi ko napansin na mali pala ang ginawa ko," pauna ni Jay-R na hindi rin kumakain habang nagkakaubusan na ng pagkain sa mesa.
"Nasa Japan po kami noon, sa PDA tour kung saan special guests sina Piolo Pascual and Sam. Bumili po si Sam ng dalawang earrings at biniro ko siya na akin na lang ang isa. Binigay po ito ni Sam sa akin.
"Sa press con po ng Your Song, may nagtanong kung saan ko nabili ang hikaw ko, tapos sabi ko po ‘kay Papa Sam' at umarte akong bakla. Pero palagi ko naman po ginagawa yun, hindi lang sa kaniya.
"Sa maniwala po kayo at sa hindi, wala po akong alam na may ganitong issue si Sam. Biro lang po yung sa akin. Inosente po ako sa mga ganiyan," depensa pa ni Jay-R.
Last Saturday, March 31, sa rehearsal ng ASAP ‘07, si Jay-R mismo ang humingi ng tawad kay Sam.
"Pagdating ko po doon, alam ko makikita ko siya. Nag-plano na po talaga akong kakausapin siya. Nang nakita ko siya, may kausap pa kaya naghintay ako. Nang solo na lang siya, lumapit ako sa kaniya tapos niyaya ko siya sa labas para makapag-usap kami," kuwento ni Jay-R.
"Ang una kong tanong kung alam niya na yung issue. Sabi niya oo, pero hindi niya na ito pinapansin. Hindi niya na lang ginawang big deal. ‘Tapos nag sorry na ako sa kaniya. Tinanggap niya naman.
"Mabait si Sam, hindi ko sinasadya na maging issue ito," pahabol pa ng Cebuano singer.
Hindi na muna nagbabasa si Jay-R ng mga pahayagan mula nang sumabog ang issue sa kanila ni Sam. Apologetic talaga siya.
Bago kami dumating sa interview, hiningan muna namin ang side ang manager ni Sam, si Eric Raymundo. Ito ang text niya sa amin: "Wala naman, feeling ni Sam joke lang yun because he knows him [Jay-R] as a nice guy."
May natutunang isang malaking lesson si Jay-R sa nangyari, dapat maging careful na raw siya sa mga jokes niya. Magiging maingat na raw siya mula ngayon.
Naitanong naming kung nasaan na ngayon ang hikaw.
"Na-misplaced ko po," sagot niya.