Nagplano noon ang Viva Artist Agency (VAA) na ipares sa young singer-actress na si Nikki Bacolod ang young actor na si PJ Valerio. Naging loveteam ang dalawa sa defunct QTV 11 youth-oriented show na Posh. Pero nang mawala ang show, nabuwag na rin ang binubuo nilang team-up ng dalawa.
Ayon kay Nikki, mas gusto raw niya na walang ka-partner. Mas okay daw ngayon dahil hindi na niya kailangang sumakay pa sa dapat na ikilos ng magkaka-loveteam.
"It's not that I'm against it, pero it's not really for me," diin ni Nikki. "But I gave it a try. Nakita naman nila na PJ and I really worked it out sa Posh. Pero mukhang hindi talaga kami meant to be paired with each other.
"I have nothing against PJ. Mabait naman siya but to be honest, I feel na wala kaming chemistry. So paano pa kami magiging successful as a loveteam kung hindi kami nagki-click together?" paliwanag pa ng runner-up sa Star In A Million noong 2005.
Nami-miss ba niya si PJ?
"Honestly? Hindi," diin ni Nikki.
Paliwanag niya, "When we were doing Posh naman, hindi rin naman kami that close. I'm with the people I'm close to at gano'n din siya. Kapag may eksena lang kami nagsasama and we're very professional about it naman. Hindi naman kami nagpabaya sa trabaho namin."
Kung sakaling ligawan siya ni PJ, type ba niya itong maging boyfriend?
"Actually, PJ isn't my type. Tama lang na friends kami," sagot ni Nikki.
Magde-debut na pala itong si Nikki sa August 18. Ngayon pa lang ay pinaplano na ang magiging debut party niya.
"Gusto ko parang Spanish masquerade ang theme. Yung mga guest ko nakasuot ng maskara. Nakita ko lang kasi yun sa isang TV show and I liked it," very excited na sabi ni Nikki bilang pagtatapos.
Kasama si Nikki sa Ang Cute ng Ina Mo ng Star Cinema and Viva Films.
