Inamin ng StarStruck 3 Ultimate Female Survivor na si Jackie Rice na gusto siyang balikan ng ex-boyfriend niyang si Gian Carlos, StarStruck 3 First Prince. Pero ayon kay Jackie, "Sinabi ko sa kanya na hindi na kami puwede."
Dagdag pa niya, "The past is past na, di ba? Mag-move on na siya sa iba. Nakahalata kasi ako na gusto niya akong balikan. Panay ang yaya niya sa akin na lumabas at gumimik daw kami. Tama ba naman ‘yon? Alam naman niyang naging issue na sa akin ang paggi-gimik tapos siya pa itong nagyayaya sa akin?
"Doon ko nahalata na gusto niya akong ligawan ulit kaya inunahan ko na siya. Ipinaalam ko sa kanya na mas importante ang career ko ngayon. Iba na lang ang ayain niyang gumimik kasi ako tapos na ako sa ganyan," sabi ni Jackie, na nasuspinde noon ng GMA-7 kasama si Iwa Moto dahil sa sobrang paglalasing.
Isa si Jackie sa dalawang leading ladies ni Mark Herras sa action-fantasy series na Fantastic Man. Paano kung bigla siyang ligawan ni Mark? Hindi malayong magkadebelopan sila dahil magkasama sila hindi lang sa Fantastic Man kundi pati na sa afternoon soap drama na Princess-Charming.
"Ay, ayoko kay Mark kasi babaero siya!" bulalas ni Jackie.
"Okay naman si Mark pero mahirap nang maging girlfriend niya. Hindi ko kakayanin ang mga playboy. Masasaktan lang ako kapag malaman kong may iba pa siyang pinopormahan," pahabol pa niya.
Hanggang crush na lang daw muna si Jackie dahil ayaw niyang magka-boyfriend ngayon. Aminado nga si Jackie na crush niya ang StarStruck 4 First Prince na si Prince Stefan.
"Guwapo siya, e, at mukhang mabait," nakangiting sabi ni Jackie. "Tsaka ang ganda ng boses niya. Noong kumanta nga siya noong Final Judgment, nakinig talaga ako. Hanga ako sa mga guys na magagaling kumanta."
