Sa madalas na pagkawala niya sa telebisyon, ang kabi-kabilang mga shows abroad ang dahilan kung bakit hindi gaanong visible ngayon ang komedyanang si Pokwang.
Kamakailan nga ay nalagyan ng kulay ng intriga ang mga biyaheng ito. Kung dati raw kasi ay si Ai-Ai delas Alas ang madalas na kunin for out- of-the-country shows, ngayon ay si Pokwang na raw ang niri-request ng ating mga kababayan sa ibang bansa.
Isang pagkukumpara na tiyak na maaaring pagsimulan muli ng intriga sa pagitan nina Pokwang at Ai-Ai, lalo't sila ang pinagsasabong at pilit na ipinagkukumpara. Nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Pokwang sa taping ng John En Shirley last April 19 ay binigyang-linaw niya ang nasabing issue.
"Siguro natuwa lang sila kasi ganun naman talaga. ‘Pag bago, nae-excite yung mga tao. Siyempre ‘pag bago, may naluluma. So bago dumating yun, kailangan nakapag-ipon na ako. Pero depende pa rin yun. Kahit first time mong makatrabaho yung mga tao, kung napanood, nagustuhan, at minahal ka nila, dapat ingatan mo. ‘Pag minahal mo yung mga tao na sumubaybay at sumuporta sa iyo, di ka nila pagsasawaan," paliwanag ni Pokwang.
Kagagaling lang ni Pokwang sa States kung saan nag-show siya with Piolo Pascual, Sam Milby, and Rica Peralejo, pero sunud-sunod na ang naka-schedule na shows sa abroad ng comedienne.
"Siyempre nakakataba ng puso kasi nabibigyan ko ng saya yung mga kababayan natin sa ibang bansa," aniya.
Dahil patuloy pa ring ikinukumpara kay Ai-Ai, aminado si Pokwang na nahihiya na rin siya sa Comedy Concert Queen sa pang-iintriga sa kanila.
"Dalawa ang nararamdaman ko: isang nahihiya ako at isang proud ako na naiko-compare sa isang Ms. Ai-Ai delas Alas. Proud ako kasi pinaghirapan ng tao yung pangalan niya, mas nauna siya sa akin. Siyempre para marating ko ang narating niya, kailangang magpursige ako sa trabaho ko. Kailangan mas mahalin ko ngayon ang trabaho ko gaya ng ginawa niya. Nahihiya naman ako kasi hindi niya ako ka-level, Ms. Ai-Ai na siya," pahayag ni Pokwang.
Sa press con ng Ang Cute ng Ina Mo ay nakapagbitaw ng pahayag si Ai-Ai na gusto niyang makagawa ng pelikula na kikita gaya ng Ang Tanging Ina para matigil na raw ang pagkukumpara sa kanila ni Pokwang. Kampante naman si Pokwang na hindi apektado si Ai-Ai kahit na ilang beses pa silang intrigahing dalawa.
"Kasi siyempre mas matagal na si Ms. Ai-Ai sa showbiz," sabi ni Pokwang. "Mas naiintindihan na niya yung mga ganyang bagay-bagay. Ako naman kasi, focused ako sa trabaho ngayon. Anuman ang isyung lumalabas tungkol sa amin, pinalalagpas ko na lang yun kasi alam ko namang lilipas at mawawala din."
Gaya ni Ai-Ai, bukas din si Pokwang na makasama sa isang pelikula ang mahusay na komedyana.
"Oo naman!" sambit niya. "Kahit naman sino, basta trabaho, hindi ako tumatanggi. Tapos si Ms. Ai-Ai pa."
Zero man ang lovelife ni Pokwang ay suwerte naman siya sa kaniyang career. Bukod sa Aalog-Alog, kasama rin si Pokwang sa Judy Ann-Ryan Agoncillo soap opera na Ysabella at sa reformatting ng programang At Home Ka Dito with Charlene Gonzalez-Muhlach and Eugene Domingo.
