Nalaman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na natuloy kahapon, April 23, ang first taping day ng Impostora, ang bagong teledrama ng GMA-7 na pinagbibidahan nina Sunshine Dizon at Iza Calzado. Ginawa sa loob ng Quezon Institute ang taping ng naturang soap opera, kung saan ang mga eksena muna noong mga bata pa ang characters nina Sunshine at Iza ang kinunan ni Direk Maryo J. de los Reyes.
Sa June 18 pa ang pilot ng Impostora na papalit sa Asian Treasures, pero ngayon pa lang ay active na ang thread nito sa iba't ibang sites. Excited na ang fans lalo't reunion ito nina Sunshine at Iza, na unang nagkasama sa Kung Mawawala Ka at sinundan ng Encantadia/Etheria.
Ginagampanan ni Sunshine sa Impostora ang role ni Nessa at si Iza naman ay si Lara. Saka na ang apelyido at iba pang detalye sa roles ng dalawa dahil may twist dito at baka magalit ang staff kung pangungunahan sila ng PEP.
Kasama rin sa Impostora sina Alfred Vargas as Carlos Estambide, ang love interest ni Lara (Iza), at si Mark Anthony Fernandez as Nicolas Cayetano, isang bulag na mayaman na in-love kay Nessa (Sunshine). So, walang dapat ikabahala ang nagre-request na sa ibang aktor naman ipareha si Sunshine dahil wish granted.
Also in the cast are Jean Garcia, Chin-Chin Gutierrez, Ana Capri, Ana Roces, Mart Escudero, Jennica Garcia, at Charee Pineda, na gaya ni Luis Alandy ay balik-GMA-7 din after lumipat sa ABS-CBN. First regular TV show naman ito ni Jenny Miller na dating Kapamilya talent.
May guest roles din sina Gelli de Belen, Gary Estrada, at Romnick Sarmenta na importante ang mga gagampanang papel sa Impostora.