Ipinagmamalaki ni John "Sweet" Lapus ang karakter niya na isa sa mga “ispiritu” sa bagong pelikula ng Star Cinema at Regal Films na pinagbibidahan ni Vhong Navarro, ang Da Possessed.
“Proud ako rito,” pahayag ni Sweet nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press sa press conference ng Da Possessed noong Linggo, March 30, sa Dolphy Theater ng ABS-CBN.
Sabi pa niya, “May back story, ipapakita yun. And I can honestly say na medyo dramatic kasi ang back story. So, sabi naman ng Star Cinema at ni Direk Joyce Bernal din, ako lang daw ang makakagawa kasi nga, ‘di ba, sa comedy may drama ang character.
“Thankful naman ako at na-flatter at the same time na sa akin binigay and true enough, yun ang first shooting day ko, yung death scene namin na may drama. Naka-mindset ka sa comedy, ‘tong pelikulang ‘to. Noong inabot na sa akin ang script sa set, ah okay, sige, go, gawin natin ‘to.
“Ang sarap ng feeling kasi, pagka-take, pinalakpakan naman nila ko.”
Ang Da Possessed ang unang pelikulang ginawa ni Vhong pagkatapos ng naging kontrobersiya sa kanya na hanggang ngayon ay ongoing pa rin ang kaso.
Bilang co-star ni Vhong, ano ang mga nakita niyang pagbabago rito?
“Well, naging honest naman siya kanina. Noong first shooting day kasi namin, I think, yung nangyari sa kanya happened on a Wednesday, tama ba ko? Saturday no’n, dapat first shooting day na namin, the night before nun, sinabihan na kaming pack-up.
“The next day, Saturday, naglabas na ng statement si Direk Chito [Roño], doon na namin nalaman na, 'Ah okay, kaya pala kami na-pack-up.' Well, honestly, sa nangyaring yun, in all the trauma of Vhong, ang feeling ko talaga, baka July na ‘to or August.
“So, nagulat kami na parang wow, ang galing naman ni Vhong. Honest ako na kung sa akin nangyari yun, baka matagal niyo pa kong hindi makikita. Baka next year na ko makapagtrabaho. Medyo proud ako kay Vhong na professional pa rin siya at itutuloy natin ‘to kasi nga, may playdate na tina-target which is, April 19, Black Saturday na tinatawag at alam naman nating lahat na lahat ng pelikulang sino-showing ng Black Saturday ay bongga.”
Inamin ni Vhong na nawalan daw siya ng kumpiyansa. Nakita rin ba ni Sweet yun?
“Yun nga, yun nga ang sinasabi ko na nawalan siya ng kumpiyansa in a very reason na tahimik siya. At mga first days ‘to ha, mga tahimik siya sa set.”
May mga ibinahagi ba siyang advice para kay Vhong?
“Hindi naman, matalino naman si Vhong… ito na nga, noong first shooting days namin, wala pa si Solenn [Heussaff], wala pang leading lady si Vhong ng first three days namin. Hanggang sa naging joke pa, nakakatawa kasi, naka-Miss India akong outfit.
“Sa pinagsu-shootingan namin, maraming bata, hindi ako nakilala. Lumapit na lang ako ng makilala nila na ah, si Sweet. So, niloloko ko si Direk Joyce na, Direk Joyce, hindi ako nakilala ng mga bata. Akala nila si Solenn ako. Kasi, si Solenn may pelikula months ago na Mumbai Love na ganyan-ganyan ang costume niya.
“Tawa ng tawa si Direk Joyce.
“The week after, si Solenn na ang leading lady. So, hindi ko lang alam kung doon nanggaling yung si Solenn ang leading lady o kung choice talaga ni Direk Joyce o choice ni Vhong. And I’m telling it now na tama, kung hindi ukol, hindi bubukol. Tingin ko talaga, the role is for Solenn.
“Yung character may pagka-cowboy. Maya’t-maya bumubukaka, nagta-tumbling. Adventurous ang character niya. Imbes na bababa ng hagdanan, tatalon siya from the second floor.”
Si Ellen Adarna ang unang napabalita na diumano’y orihinal na nabalitang leading lady dapat ni Vhong sa pelikula.
Naniniwala naman si Sweet na tama lang daw na isang comedy film ang maging comeback ni Vhong pagkatapos nitong ma-trauma sa nangyari dito.
Ayon kay Sweet, “Perfect comeback for Vhong after his trauma. Kasi, ang comedy, ang lakas makatanggal ng trauma. Ang lakas makatanggal ng stress. Ang bilis mong makapag-move-on sa anumang pinagdadaanan.
“Kasi tayo, kapag malungkot tayo, takot tayo. Gusto natin masaya tayo, so, ito ang perfect comeback movie for Vhong na at the same time, jackpot din ang mga manonood at halata rin na sabik si Vhong gumawa ng pelikula, sabik si Vhong na magpatawa, so, kitang-kita rito na binuhos niyang lahat ang kasabikan na yun.”
