Nanay ng GMA-7 actress na si Janine Gutierrez ang ginagampanang karakter ni Diana Zubiri sa Kapuso afternoon series na Dragon Lady.
Ayon kay Diana, sa kanya raw nagsimula ang malas at suwerte na siyang pinag-uugatan ng kuwento. Kung pagbabasehan ang edad nila ni Janine sa totoong buhay, imposible pang maging mag-nanay sila.
Pero tinanggap daw ni Diana ang mother role ni Janine dahil nagandahan daw siyang talaga sa kuwento.
“First time ko at ang ganda ng role, challenging. At saka yung story, sa akin nagsimula, so bakit naman hindi. Kailangang subukan na rin natin ang ganyang role para maipakita ko na rin ang aking worth as an actress,” pahayag ni Diana.
Ine-embrace na raw niya sa Dragon Lady ang motherhood na siyang kaibahan sa mga nagawa na niyang karakter dati.
“Sobrang protective ako rito,” saad pa niya.
Thirty-three pa lang si Diana at 29 years old naman si Janine.
Hindi ba nagdalawang-isip si Diana noong tinanggap niya ang role?
“Hayaan niyo na,” natawang sabi niya.
“Hindi naman ako nagdalawang-isip kasi noong prinisent nga nila sa akin: 'O, maganda ang character mo, sa ‘yo magsisimula ang story.'”
Hindi pa raw sila masyadong nakakapag-taping na magkasama sila ni Janine kaya hindi pa raw niya masasabi ang dynamics nila bilang mag-ina.
ON MYSTIFIED
Bago ang Dragon Lady, tinapos ni Diana kasama ang mga kaibigan niya na sina Karylle, Sunshine Dizon, at Iza Calzado ang iFlix-produced movie nila titled Mystified.
Ngayong March na ipalalabas sa iFlix ang Mystified.
Silang apat din na mga orihinal na Sang'gre ng Encantadia ang nag-line produce ng movie.
Sabi namin kay Diana, madalas sa magkaibigan kapag pumasok sa negosyo, nagkakaroon ng ilang conflicts o isyu.
Kumusta sila?
“Nagkaroon man kami ng conflict, in terms of schedule. Di ba po, gumagawa ng soap noong time na yun, tapos si Karylle, may Showtime. So medyo nahirapan po talaga kaming gawin yung pelikula.
“Parang noong una pa nga, ‘wag na lang muna nating gawin, kapag wala na lang tayong soap. E, kailan naman mangyayari yun? Noong time na yun, si Iza may soap, si Shine… pero, nakaya naman po.”
Mismong mga fans daw nila sa Encantadia ang naging dahilan kung bakit sila nabuong apat muli at nakaisip na gumawa ng isang proyekto na magkakasama.
“Nabuo po yung project nung time na marami ang humihingi sa amin na...[Sinasabi nila], 'Miss na namin ang Encantadia. Sana gumawa naman kayo ng project na kumpleto kayong apat.'
“So, si Direk Mark, yun at yun ang inuulit sa amin. Kasi noong una, hindi naman kami naniniwala. Parang millennial na siyempre ang mga fans."
Si Direk Mark Reyes ang director ng original Encantadia series na pinalabas noong 2005 sa GMA-7.
“Pero, may three times na magkakasama kami, nag-post kami sa Instagram ng mga pictures namin together, ang dami talagang messages. Tapos, sa kanila rin pala. Kaya kami, tara, gawin na natin. Huwag na nating hintayin na may gumawa for us. Kumbaga, hindi na mangyayari dahil nasa kabilang network na ang dalawa, kaming dalawa rin.
“So, gawin na lang natin na tayo ang mag-produce.”
Ang una pa raw na gusto ng iFlix ay series, pero hindi sila puwede dahil may mga kontrata sila sa kanya-kanyang network. Sina Karylle at Iza ay bahagi ng ABS-CBN samantalang sina Diana at Sunshine ay napapanood sa GMA-7.
Kaya rin Mystified dahil ang gusto ng mga ito, malapit din sa mga karakter nila sa Encantadia.
“Actually, yung team po ng Mystified, yung team din namin sa Encantadia way back 2005. Para at least, yung relationship din with us.”
Naisip din daw nilang imbitahan o isama ang mga naging leading men nila sa telefantasya. Pero halos lahat daw ay busy.
Sabi naman namin, imposible na ba ito?
“Posible pa rin naman kaso lang siyempre, may mga ginagawa sila. Basta ang goal lang namin, apat kaming kumpleto. Kasi kung hindi, baka bale-wala lang din, baka hindi rin tanggapin.”