Proud si Empress na isa siya sa piling mga artista na nakakapag-cross over sa dalawang networks: ang GMA-7 at ABS-CBN.
“Actually, masaya,” ngiti niya.
“Kasi parang, in fairness, parang ako pa lang yung nakakagawa noon sa generation ko. Kasi ang napapansin ko ang nakakagawa noon sina Mylene Dizon, sina Janice de Belen, si Angel Aquino, ganyan.
“So, sabi ko, in my generation ako pa lang ang nakakagawa noon. Kaya I’m happy kasi hindi ako nawawalan. Saka I don’t see naman any issue with that kasi ang management naman po ang kumukuha sa akin. Hindi naman ako yung pumapasok sa kanila para bigyan ako ng project. Parang, it’s their decision to get me. So, I think okay lang sa kanila na nagko-crossover ako.”
Kamusta ang working environment sa dalawang TV stations? Hindi ba siya nahihirapan every time nagpapalipat-lipat siya ng network?
“Hindi naman, kasi bata pa lang ako nag-GMA-7 na ako. Yung ibang staff talagang kakilala ko na sila. Tapos sa ABS, ganoon din. Maganda rin that I started early kasi parang kahit papaano familiar ako sa lahat.”
May upcoming projects ba siya?
“Ngayon, ongoing pa rin yung Hiram na Anak," sagot ng aktres nang makausap namin siya sa launch ng kanyang refreshment business na King's Cup sa Cubao last Sunday, March 31.
“Tapos kaka-start ko lang kahapon with Direk Joel Lamangan, In The Name of A Mother. Si Snooky Serna ang mother.
“And then, I’m also doing a movie with Cesar Montano.
Anak ba siya ni Snooky sa movie?
“Hindi po, husband ko si Pancho Magno, siya yung anak ni Snooky. Mag-asawa kami. So, it’s about a mother and her family. Kung paano niya hina-handle yung family niya.
“Yung kay Cesar naman it’s about the story of Joel Apolinario, yung dating mahirap na Pilipino. Pero ngayon successful na siya dahil sa crineate niya na community na nagpapahiram ng pera tapos may interest. Taga-Surigao siya. So, ia-ano po ni Cesar Montano yun, gagawin po niya.
“And yes, ako po ang leading lady ni Cesar sa movie.”
Kinabahan ba siya na makatrabaho si Cesar?
“Nakakakaba,” sabay buntong hininga ng 26-year-old actress na si Empress.
“Nakakakaba kasi bakit ako? E, magkasama lang kami sa Bida si Mister, Bida si Misis.
“Tatay ko si Bentong doon. Kaibigan ni Cesar si Bentong sa show. Pero siyempre kahit papano, ten years old lang ako noon. Pero na-achieve naman. Okay naman.”
May kissing scene ba sila ni Cesar na sa ngayon ay 56 years old?
“Hindi ko pa sure. Nakaka-isa pa lang kami ng shooting, e. Parang after election po 'ata ang showing, or baka this year.
“Babalik kami ng shooting baka after election na po. Kasi, he’s directing it, too. Kasi naga-ano pa siya, tumutulong siya sa campaign.”
Ano ang masasabi niya sa magandang takbo ng career niya sa showbiz pagkatapos niyang tumigil pansamantala nang mabuntis siya noon?
Ani Empress, “Blessed lang po. Positive lang palagi. Masaya, siyempre super masaya. Parang it’s my year, ganyan. Saka, basta maging positive lang and everything will be positive naman, e. Walang time para maging nega. So, okay lang.”
Baka ma-in-love siya kay Cesar?
“Bakit? Bakit naman? Lahat ba nai-in love sa kanya?
“Ah, hindi naman. Alam naman niya [Cesar] ang sitwasyon ko. Hahaha!”
Hindi kaya magselos ang non-showbiz boyfriend niya na si Vino Guingona?
“Hindi naman,” confident na sabi ni Empress.
“Tanggap niya na artista ako. And siya pa ang nagsasabi sa akin na nakilala niya ako na artista. Kaya hindi niya ako pipigilan kung gusto ko ituloy-tuloy ang pag-aartista ko.
“Very understanding si Vino and comes from a good family. Super kind ng family niya. God-fearing yung mga sisters niya. Tatlo yung sisters niya. He’s the only son kaya naiintindihan ko na siya rin talaga yung nag-aasikaso ng business ng family nila.”
Hindi pa ba nagpo-propose ng kasal si Vino?
“Lagi naman nao-open yung about marriage. Pero ako, ayoko pa muna. Parang one step at a time muna. Parang ang bilis at dami-dami nang mga nangyayari sa buhay ko. Kaya, dahan-dahan lang muna.”