Tatlong linggo na lang at magtatapos na ang ABS-CBN prtimetime series na Halik, na nag-umpisa noong Agosto 13, 2018.
OK na iyon kay Jericho Rosales at hindi siya nag-request ng extension sa management.
“Mahihirapan na po yung creatives namin, e!” natawang sambit ni Jericho nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Abril 7, Linggo, sa Brgy. San Juan, Morong, Rizal.
“Kasi lagi kaming ano, e, dadalhin doon sa pagtatapos, 'tapos mae-extend.
“So siyempre, ayaw naming mag-suffer yung istorya namin.
“Gusto namin na maganda yung ending, yung kabuuan ng story.
“So… puwede na lang siguro mag-ano, mag-book two.
“Baka mas maganda pa yun, di ba? Makapagpahinga muna kami saglit.
“Para naman medyo ma-refresh din nang konti, di ba?
“Para hindi naman, I’m sure, baka nakakapagod na ring panoorin minsan pag paulit-ulit na, di ba?
“Parang ganoon na lang nang ganoon. Ayaw naming umabot sa ganoon, e.”
BACK TO THE SEA
Plano ni Jericho na magpahinga muna pagkatapos ng Halik.
“Babalik muna ako sa dagat!” napangiting bulalas ni Jericho, na kilalang beach person at surfer.
“May tour kami ni Yen [Santos]. Mabilis lang yun, Canada.
“Kami at saka si Sam [Milby], sa May 3, 4 and 5 sa Edmonton, Winnipeg, and Toronto.
“After niyan, secret muna yung dagat ko.
"Basta, naka-book na ako, pero hindi ko sasabihin kung saan!” at tumawa ang hunky actor.
“Basta, secret muna kung saan.”
Sino o ano ang mami-miss niya sa Halik?
“Lahat sila,” mabilis na sagot ni Jericho.
Sino ang pinakamami-miss niya?
“Lahat sila talaga, e!” at natawa si Echo.
“Close talaga kami lahat, e. Si Sam! Ha! Ha! Ha!
“Lahat sila talaga.”
Guests sina Jericho at Yen sa unveiling ng manufacturing plant ng Brilliant Skin Essentials noong Linggo sa Morong.