Madalas palang pagsungitan ni Max Collins si Pancho Magno.
Pero hindi naman daw sinasadya ni Max na gawin ito sa mister niya.
Pag-uwi niya sa bahay, nadadala lang daw kasi niya ang intensity ng papel niya bilang si Jessie sa Bihag na pinagbibidahan niyang serye sa GMA-7.
“Lagi akong masungit. Kawawa siya!
“Sabi niya sa akin, ‘Ano ba, masungit ka na naman?’
“Hindi ko talaga alam, ever since nai-imbibe ko siya—yung role ko as Jessie, yung character—parang lagi ko siyang nadadala sa bahay, as in parang naging nanay na rin ako.
“So pag nasa bahay ako, ‘Ano ba naman ‘to? Kailangan ko na namang mag-grocery shopping, kailangan ko na namang paliguan ang aso,’ ganyan-ganyan.
“So it’s like nakikita ko yung buhay ko sa perspective ng isang ina and nadadala ko siya.
“Mabigat siya, mabigat.
“Pero mas nakakatulong sa trabaho,” at tumawa si Max.
“So masaya ako pag nasa trabaho ako, at least nailalabas ko.”
Bilang si Jessie ay matindi ang mga pinagdadaanan (at pagdadaanan pa) ni Max dahil sa pagmamahal sa kanyang anak na si Ethan at sa mister niyang si Brylle, na ginagampanan naman ni Jason Abalos.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Max sa mediacon ng Bihag noong March 25 sa 17th floor ng GMA Network.
Bukod kina Max at Jason, nasa Bihag din sina Sophie Albert bilang Reign, Raphael Landicho bilang Ethan, Neil Ryan Sese bilang Amado at Mark Herras bilang SPO1 Larry Pineda.
Ang Bihag ay sa direksyon ni Neal del Rosario; napapanood ito pagkatapos ng Dragon Lady sa GMA.
DOMESTICATED LIFE
Ano ang pinakamalaking pagbabago sa buhay ni Max mula noong ikasal sila ni Pancho noong December 11 last year?
Mabilis niyang tugon, “Patience!
“Mas humaba ang patience ko. Mas nagiging understanding ako.
“Mas nagiging selfless ako.
“Before, puro sarili ko lang ang iniisip ko.
“Now I have someone to think of all the time.
“I have someone to understand all the time, and mas naging mature talaga ako.
“Siyempre we have to hold our family together so hindi ko puwedeng ipakita sa kanila na weak ako, na I really have to be a strong person for my family.
“Kasama rin kasi namin ang kapatid ko e, so he’s like my child na rin.”
Kumbaga raw, ang papel ng nanay niya sa kanya noon, ngayon ay si Max na ang gumagawa para sa sarili niyang binubuong pamilya with Pancho.
“Yeah! Nararamdaman ko na yung stress na naramdaman niya [her mom] noon, mahirap talaga maging isang nanay.
“As in sobrang hirap!” diin niya.
Lalo na siguro kapag may anak na sila ni Pancho.
“Lalo na, lalo na,” at tumawa ang magandang Kapuso actress.