Ang titulo ng bagong single ni Young JV ay "Malandi Ka," na collaboration niya sa miyembro ng Ex-Batallion na si Kent Manila at sa baguhan na si Saschna Laparan.
"Matagal ko nang sinulat 'to," sabi ni Young JV nang makausap namin noong Agosto 8, Huwebes, sa Barcino, Vertis Mall.
"Nagawa ko yung tono. Pinasa ko kay Kent then kay Saschna. Nag-isip ako na may nakilala akong babae na malandi, pero, at the end of the day, gusto ko pa rin siya."
True-to-life ba ang kanta niya?
"Hindi naman true-to-life, pero nagbase ako sa puwedeng mangyari," sabi niya.
Marami na siyang nakilala na babaeng malandi pero bet pa rin niya. Strong word ang "malandi." Puwedeng maging negatibo ang reaksiyon ng kababaihan sa kanta nila.
"Oo nga, e, sabi ko, baka matamaan. Baka isipin, sexist yung kanta. Kaya gumawa kami na si Saschna, siya naman yung who will speak on behalf of the girls. Kami naman ni Kent sa mga lalaki, so both party."
Ano ba ang depinisyon niya ng "malandi?"
"Siguro, having fun. Doesn’t know what she wants or playful lang siya. Yung playgirl, iba naman, it's a deep word."
Ang "Malandi Ka" ay nilunsad noong August 9, sa iba’t ibang digital platforms tulad ng Spotify. Nagsimula ang collaboration nilang tatlo dahil una, ang laki ng bilib ni Young JV kay Kent. Hindi pa sila close, nagpadala na siya ng direct message kay Kent. Sina Saschna at Kent ang mas una nang nag-collab.
May sariling record label na si Young JV, ang Not So Famous na nasa ilalim ng Star Music.
Ang previous single ni Young JV ay may titulong "Ghost," na tungkol sa millennial term na ghosting.
Natawa si Young JV nang sabihin namin na mas nauna pa pala siya sa isyu ngayon ng ghosting. Inamin ni Young JV na sa "Ghost," may pinaghugutan siya.
"Pero ang sumulat ng 'Ghost,' hindi ako, si August Rigo. International songwriter po siya. Kinuwento ko sa kanya ang nangyari sa akin. Iba rin po yung pinagdaanan ko," sabi niya.
Hindi maganda ang breakup nila noon ni Miho Nishida. Pero sa ngayon, okay na raw.
"May closure naman kami, although hindi na kami nag-uusap, but we left off na okay."
Best of friends sina Young JV at Gerald Anderson. Ang terminong ghosting ngayon ay naging paboritong gamitin dahil sa isyu sa pagitan nina Gerald at Bea Alonzo.
At dahil aminado si Young JV na na-ghosting na siya, napag-usapan ba nila ni Gerald na masakit ang ma-ghosting?
"Si Ge [Gerald's nickname] kasi, he's always been there sa lahat ng problema ko. Nandoon siya, nagbibigay ng advice. Ang dami kong natutunan sa kanya about life. Parang kapatid ko na siya."
Paano niya sinusuportahan si Gerald ngayon?
"Si Ge naman, sinusuportahan ko siya kung nasaan siya ngayon. Kung ano man ang ginagawa niya ngayon, kung ano man ang desisyon niya, 100% nandoon ako para sa kanya."
Nasabi ba ni JV kay Gerald na mahirap ma-ghosting?
"Pinagtatawanan nga niya ko, yung kanta ko raw. But he's in good hands naman."
Sabi namin kay Young JV, parang sinadya na ang magkasunod na title ng dalawang single niya ay "Ghosting" at "Malandi Ka."
Natawang sabi niya, "To be honest, hindi po, hindi po talaga ganun. Hindi ko siya sinasadya, walang halong showbiz. Gusto ko ngang lumayo sa isyu. Pero kailangang maiparating."