Vico Sotto recalls Kalyeserye appearance, getting bashed by AlDub fans

by Jerry Olea
May 10, 2019
Vico Sotto on getting financial help for his campaign: "Tumutulong naman po, especially si Papa. Mas mayaman si Papa. Ha! Ha! Ha!"
PHOTO/S: Jerry Olea

Mahiyain si Vico Sotto noong bata pa siya kaya hindi siya naging kumportable sa showbiz.

Saad ng anak nina Vic Sotto at Coney Reyes, “Hindi ako naging kumportable na sikat yung magulang ko, lalo noong bata ako.

“Siyempre, nung tumanda na, medyo nasanay na rin.”

Buti't napapayag siya noon na lumabas sa Kalyeserye ng AlDub?

“Pero hindi po ano yun, hindi po guesting yun!” paglilinaw ng 29-anyos na kandidatong mayor ng Pasig sa pocket interview noong Mayo 3, Biyernes sa Coreon Gate, Metrowalk, Meralco Avenue, Pasig City.

“Kung mapapansin ninyo, wala naman akong lapel. Wala po akong earpiece.

“Noong time po na lumabas ako ng Kalyeserye, ni hindi ko nga naririnig iyong pinag-uusapan nila, e.

“Di ba, pag ganun po, kung wala kang earpiece, hindi mo maririnig yung nangyayari. So, nakangiti lang ako.

“Hinatak po ako ni Jose [Manalo]. Nanonood ako kasi nasa distrito ko po sa Pasig.

Continue reading below ↓

“So, nandoon ako sa likod ng kamera, which I really do kapag nandoon sila, bumibisita talaga ako.

“So, nandoon ako, nanonood, nakikitawa kina JoWaPao plus Maine [Mendoza].

“And then, bigla akong hinatak ni Jose... e, di siyempre, nasa kamera, nakangiti lang ako. Nakikitawa.

“Pero sa totoo, wala akong alam sa nangyayari.”

Siyempre, may mga kinilig sa kanila ni Maine. Na-bash din si Vico dahil kainitan noon ng AlDub.

“E, alam mo naman sa showbiz, kahit magkangitian lang kayo, hindi naman...” pagkibit-balikat ni Vico.

“Wala naman yun.

“Alam mo naman sa social media ngayon, anyone can...”

Sa Kalyeserye nagkakilala sina Maine at Vico a few days or weeks before lumabas siya sa Kalyeserye.

“Hindi ko na maalala exactly,” pagkunot-noo ni Vico.

Nag-bonding pa ba sila ni Maine afterwards?

“Nagkikita kami pag bumibisita ako ng Eat Bulaga,” sambit ni Vico.

Continue reading below ↓

Nakapag-"Juan For All, All For Juan" pa ba ang Eat Bulaga! sa Pasig?

“A, pagdating naman po sa Bulaga, or Juan For All... hindi na po ako nakikialam.

“So, sila na lang po ang tanungin ninyo.

“Basta ang alam ko, noong nag-file na ako ng aking kandidatura, a... wala nang Juan for All [sa Pasig], hindi ko na po alam kung anong nangyari.

“Sila na po ang may alam nun.”

DID VIC AND CONEY STOP HIM FROM RUNNING FOR MAYOR?

Pinigilan ba nina Vic at Coney si Vico na kumandidatong mayor ng Pasig?

“Hindi po,” mabilis na sagot ni Vico. “Siguro, alam din nila, hindi nila ako mapipigilan.

“Nag-express sila ng mga apprehension, pero noong na-explain ko sa kanila kung bakit pumasok ako sa laban na ito, medyo nagbago po yung perspektibo nila.”

Ano ang payo sa kanya nina Vic at Coney kaugnay sa laban niyang ito?

Continue reading below ↓

“Palagi lang nilang sinasabi sa akin, ‘Basta magdasal ka nang magdasal.’ Iyon talaga.

“Pagdating naman sa pulitika, they give advice pero nagtitiwala rin sila sa akin.

“Iyon naman, I think, ang pinakaimportanteng advice na ibinigay nila sa akin—huwag kalimutan na magdasal, huwag kalimutan ang Diyos.”

Sinasamahan si Vico ng kanyang mga magulang sa pangangampanya.

“Especially si Papa,” matamang pakli ni Vico. “Excited din siya. Noong una, aminin ko sa inyo, medyo kinakabahan sila, e.

“Siguro normal naman yun para sa magulang, di ba?

"Pero noong na-explain ko sa kanila kung bakit, na hindi lang ito para sa isang posisyon kundi para sa tunay na pagbabago...

“Nag-usap kami nang masinsinan. Naipaliwanag ko yung mga gusto kong gawin, at kung bakit gusto kong tumakbong mayor, naging buo ang suporta nila.

“At naging buo rin yung loob nila.”

Continue reading below ↓

Suportado rin si Vico ng kanyang mga kapatid.

“Si Ate Danica po, nag-house-to-house siya nang isang beses,” napangiting lahad ni Vico.

“Very supportive naman po sila, e. Lalo na noong lumaki na kami, naging close na rin kami.

“Credit sa tatay namin, kasi nag-effort talaga siya to bring us together.”

Si Danica Sotto-Pingris ang panganay na anak ni Vic sa una nitong asawa na si Dina Bonnevie.

VICO SOTTO VS THE EUSEBIOS

Natatakot ba si Vico na ang babanggain niya ay 27 taon nang namamayagpag sa puwesto sa Pasig City—ang pamilya Eusebio?

Si Bobby Eusebio ang katunggali ni Vico ngayong halalan.

Seryosong tugon ni Vico, “Para sa akin, maiksi lang ang buhay. Kailangang manindigan tayo.

“Hindi puwedeng... hindi puwedeng magpatakot tayo, magpadaan tayo sa intimidasyon.

“Kailangan, kung sa tingin natin, tama yung ginagawa natin, kailangang tumindig po tayo.”

Hindi umaasam si Vico ng suporta mula sa barangay officials.

Continue reading below ↓

Paliwanag niya, “Pag sa barangay officials, siyempre mag-iingat po yun. Baka ipitin ang pondo. Mahirap po.

“So, hindi ko na po masyadong ginagalaw yung barangay officials. Ang importante po, yung tao mismo.

“Kami naman pong mga pulitiko, wala po naman talaga kaming command vote. Iyon naman ang katunayan.

“Kahit ako, konsehal, sabihin ko sa mga tao, ‘Iboto niyo ang taong ito,’ kung ayaw nila, hindi pa rin nila iboboto.

“Ang importante po, direkta tayo sa tao.”

HOW EXPENSIVE IS HIS CAMPAIGN?

Magastos ba ang campaign para sa kanya?

“May gastos po but... ako po, sinusubukan kong magpakilala ng makabagong pulitika.

“Ibig pong sabihin... alam naman natin, kung napakalaki ang gagastusin ng isang pulitiko, kung gagastos ng P100M ang pulitiko, imposibleng hindi bawiin, e.

“Imposible po talaga, e. So ako, bilang isang batang pulitiko, gusto ko pong magpakilala ng makabagong estilo na hindi gagastos ng napakalaking pera, 'tapos babawiin lang din.

Continue reading below ↓

“Ako po, kung ano lang yung makakaya, meron pong tumutulong, marami pong salamat.

“Basta, ang sa akin po, hanggang sa makakaya ko lang. Hindi tayo gagastos ng milyun-milyun-milyon para lang manalo,” pag-iling-iling ni Vico.

Nagbigay ba ng financial support ang parents niya?

“Tumutulong naman po, especially si Papa. Mas mayaman si Papa. Ha! Ha! Ha!” natawang sagot ni Vico.

Bilang independent candidate, napakahirap kalaban ang mga datihan nang pulitiko.

“Alam po naman natin yung makinarya nila, yung pera nila, nandiyan po talaga iyan,” pag-amin ni Vico.

“Kahit mag-ikot lang kayo sa Pasig, makikita ninyo, bawat bahay, talagang may tarp nila whether or not nagpaalam, hindi ko alam, pero nandoon po sa lahat.

“Doon pa lang, makikita na, yung makinarya nila na talagang well-oiled machine.

“Siyempre, mahirap po, pero ako, naniniwala ako na ang Pasigueño, handa sa pagbabago.

“Hindi naman ako tatakbo kung sa tingin ko, hindi po handa ang Pasigueño. Tumakbo po ako dahil nakita ko na merong sigaw ang taong-bayan sa Pasig.

Continue reading below ↓

“Na naghahanap ng ibang istilo naman ng pulitika.

“So, naniniwala po ako na yung mensahe natin ngayong 2019, yung mensahe natin na walang palakasan, walang pananakot, malinis na gobyerno—ito po, mas malakas kaysa sa kahit anong makinarya na puwede nilang gamitin.”

Read Next
Recommended Videos
Trending on PEP.ph
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Vico Sotto on getting financial help for his campaign: "Tumutulong naman po, especially si Papa. Mas mayaman si Papa. Ha! Ha! Ha!"
PHOTO/S: Jerry Olea
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results