Nasa kritikal na kundisyon pa rin ang beteranong aktor at direktor na si Eddie Garcia, 90.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa spokesperson ng pamilya ni Eddie na si Dr. Tony Rebosa ngayong hapon ng Martes, June 11, sinabi nitong nangangailangan ng dagdag pang dasal ang pamilya para sa paggaling ng award-winning actor.
Maiksing pahayag ni Dr. Rebosa sa PEP.ph sa pamamagitan ng telepono: “He is still in a very critical condition.
“The family is overwhelmed by the gesture of support from everyone, the love.
“We need prayers.”
Wala nang dagdag na impormasyon na ibinigay si Dr. Rebosa sa PEP.ph.
Matatandaang nasubsob si Eddie sa semento sa taping ng upcoming series ng GMA-7 na Rosang Agimat sa Tondo, Manila, noong Sabado, June 8.
Ayon sa pamilya ng beteranong aktor, napatid si Eddie sa cable wire ng production habang ginagawa ang isang malaking eksena.
Taliwas sa unang nabalita, hindi inatake sa puso ang beteranong aktor.
Bagkus, nagtamo ito ng severe fracture sa leeg bunsod ng kanyang pagkakadapa.
Nagsasagawa na ang GMA Network ng imbestigasyon kung bakit walang naka-standby na medical team at ambulance crew sa taping location noong araw na iyon.
Standard practice daw sa network na may nakaantabay na medical team at ambulance crew kapag may kukunang malaking action scenes sa isang teleserye.