Robin Padilla sides with President Duterte on China vessel incident

by Bernie V. Franco
Jun 18, 2019
Robin Padilla on President Rodrigo Duterte's stand on Chinese vessel incident: "Siguro dapat ho ganun muna ang ating posisyon. Kasi wala naman ho tayong ipagyayabang."
PHOTO/S: Noel Orsal / ABS-CBN News on You Tube

“Huwag na lang ho nating palakihin. Siguro katulad ho ng sinasabi ko nung araw, kung sino ang matatapang, e, sila na lang ang pumunta don.”

Ito ang bahagi ng pahayag ng action star na si Robin Padilla hinggil sa mainit na isyu tungkol sa pagbangga ng isang Chinese vessel sa isang Philippine boat sakay ang 22 Filipino fishermen sa West Philippine Sea noong June 9.

Sa salaysay ni June Insigne, kapitan ng lumubog na barko, isang Chinese vessel ang bumangga sa kanilang bangka habang pauwi na sila sa San Jose, Occidental Mindoro.

Ang masaklap pa raw, matapos lumubog ang bangka nila ay inabandona raw sila ng Chinese vessel sa dagat.

Pagkalipas ng ilang araw, isang Vietnamese ship daw ang tumulong sa mga mangingisdang Pilipino para makauwi.

Nitong June 17, Lunes, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hihintayin muna niya ang resulta ng imbestigasyon ng nangyaring “maritime incident” bago siya gumawa ng anumang hakbang.

Continue reading below ↓

Pero ang mga sumunod na pahayag ng Pangulo ang hindi nagustuhan ng iba dahil tila raw minaliit nito ang sinapit ng mga Pilipinong mangingisda.

Sabi ng Pangulo: "Banggaan lang ng barko 'yan. Do not make it worse because that's a fertile ground for...

"Alam niyo 'yan mga sundalo, miscommunication 'yan, patay na.

"And we are not yet as ready and we can never be ready in a nuclear war.

"Because in a nuclear war, kung bitiwan lahat 'yan, earth will dry up and we will all be destroyed, and that is the end of everything."

Dahil sa pahayag niyang ito, nakatanggap ng pambabatikos ang Presidente mula sa publiko kabilang na ang ilang celebrities.

Anila, ang insidenteng ito ay isang uri ng pambu-bully ng China sa Pilipinas, at mas pinanigan pa raw ng Pangulo ang China.

Ilan sa mga nagpahayag ng kanilang saloobin tungkol sa isyu ay sina Agot Isidro, Enchong Dee, Bianca Gonzalez, Kiana Valenciano, at Jasmine Curtis-Smith.

Continue reading below ↓

Nito ring Lunes, idiniin ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Lu Kang na “accidental” ang banggaang nangyari sa pagitan ng Chinese vessel at Philippine boat malapit sa Recto Bank.

Ayon sa statement ng Chinese diplomat, iresponsable raw ang pag-uugnay ng naturang insidente "with China-Philippines friendship or even make political interpretations out of it.”

ROBIN PADILLA REACTS TO THE ISSUE

Sinang-ayunan ni Robin Padilla ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang palakihin ang isyu dahil hindi handa ang Pilipinas kung makikipaggiyera laban sa China.

Mahaba ang naging pahayag ni Robin, na solid supporter ng Pangulo, tungkol sa isyu sa ginawa niyang Facebook Live ngayong hapon ng Martes, June 18.

Kasalukuyang nasa Queensland, Australia ang aktor para sa graduation ng kanyang anak na si Zhen.

Binanggit ni Robin kung sapat bang dahilan na makipaggiyera ang Pilipinas laban sa China bunsod ng naganap sa West Philippine Sea.

“Kasi sinabi ng ating mahal na Pangulo na hindi yun dahilan para tayo, e, makipaggiyera sa China at tayo ay matunaw na.”

Continue reading below ↓

Paliwanag ni Robin, sensitibo ang naturang usapin hinggil sa South China Sea at West Philippine Sea.

Ang tinutukoy ng aktor ay ang matagal nang territorial dispute sa South China Sea sa pagitan ng mga nakapalibot na bansa na kinabibilangan ng China, Brunei, Taiwan, Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Pilipinas.

Inihambing niya ito sa sigalot sa Middle East na pag-aaway ng mga bansa sa loob ng mahabang panahon.

“Kaya napakasensitibo po 'yan na topic.

“Mahirap ho diyan nagmamatapang tayo at idadamay natin ang buong bayan.

“Wala namang namatay don sa ating mga kababayan. Alhamdulillah. At naiuwi nila ang bangka nila, pati yung huli nila.

“Sa tingin ko naman, e, humingi na rin ng dispensa ang China, di ba, sa nangyari,” pahayag ng aktor.

May hamon pa si Robin sa mga “matatapang” na kumukontra laban sa Pangulo.

Sila na raw ang maunang lumusob sa China.

Sabi ni Robin, “Wag na lang ho nating palakihin.

Continue reading below ↓

"Siguro katulad ho ng sinasabi ko nung araw, kung sino ang matatapang, e, sila na lang ang pumunta dun.

“Huwag na nating idamay pa ang Armed Forces, yung Pilipinas.

“Sarili na lang niyong sikap.

“Kung talagang matapang kayo, e, di patunayan niyo dun.”

Ngunit iginiit din ng aktor na malaki ang pasasalamat niyang nakauwi nang ligtas ang mga Pilipinong mangingisda.

ROBIN CHALLENGES DETRACTORS OF PRESIDENT DUTERTE

Para kay Robin, tama ang naging desisyon ni Pangulong Duterte.

“Sa sitwasyon ho natin ngayon kailangan, e, utak muna ang nakikipaglaban at magaling diyan ang President natin.

"At alam din ho 'yan ng China.

“Kumbaga, nakikipag-chess ho ngayon yung ating Pangulo sa president [ng China].”

Pinatamaan din ni Robin ang mga kumokontra sa naging desisyon ng Pangulo.

“Siyempre habang nakikipag-chess siya, alam niyo ho napakadaming bumubulong.

"Yung mga bumubulong diyan, yung mga miron, 'yan, e, minsan, e, nakakainis 'yang mga miron.

Continue reading below ↓

“Pero mabuti na lang ho yung President natin, hindi nagpapadala sa mga 'yan.”

Binanggit ni Robin na kabilang sa mga “miron” na tinutukoy niya ay mga pulitiko na aniya ay naghahamon na labanan ang China.

“Hindi ho tayo tatagal ng isang araw. Kapag tayo ho ay nakipaggiyera sa China, hindi ho tayo tatagal ng isang araw.

“E, kawawa naman ho yung kabataan natin diyan kung…

“Tayo ho dapat lalaban lang tayo pagka in-invade na tayo.

“Pag sinabing conventional warfare, diyan, puwede ho nating ilabas ang tapang natin diyan.

“Ibig sabihin, harapan tayo.

“Yaong kalaban natin nasa harap natin. Yun ho yung magandang laban.”

Dugtong ng aktor, “Pero yun yung laban ng mga missile, wala ho tayong sikat diyan, dahil wala naman tayong…

"Meron ho tayong missile na dumating, pero siguro pang-first wave lang yun.

“Kasi kung pinag-uusapan ho natin yung missile warfare, wala ho tayong laban dun.”

Continue reading below ↓

Pinatamaan din ni Robin ang mga may komento tungkol sa isyung ito.

“Napakasensitibo ho na usapin ng West Philippine Sea at South China Sea.

“Hindi ho 'yan nakukuha sa tsismisan, patapangan, palakihan ng bayag... hindi po.

“Kung meron ho talagang matapang diyan, gawin niyo sa sarili niyo, huwag niyong idamay ang taong bayan.

“Matapang kayo, e, hindi namin kayo aawatin.”

ROBIN PADILLA CALLS FOR COOLER HEADS

Sa kanyang Facebook Live, binasa ni Robin ang komento ng isang netizen tungkol sa pagtatanggol sa dignidad ng mga Pilipino sa isyu.

“Lahat naman ng Pilipino mainit ang ulo, kahit sino naman. Agawan ka nga ng kendi, e, nakikipag-away ka, yun pang lupa.

“Kaya lang, siyempre, may mga bagay ho dito sa mundo na dapat nasa reyalidad po tayo.

“Sa panahon ho na 'to, dapat yaong mga nakakaintindi ay nagpapaliwanag.”

Sabi ni Robin, kumbaga sa basketball, ang dapat pagtuunan ng pansin ng Pilipinas sa sitwasyong ito ay ang pagpapalakas ng depensiba at hindi opensiba.

Continue reading below ↓

“Yung depensa ho ng ating kababayan, 'yan po ang una nating bigyan ng pansin.

“Wag tayong ang dating, e, tayo ang gusto natin lumusob.

“Hindi ho conventional warfare ito. Ito ay missile warfare ang laban,” babala ni Robin.

Dagdag niya, “E, mabuti nga yung Pangulo natin magaling ang kanyang diplomatic strategy at nakakausap niya ang Russia, nakakausap niya ang China, nakakausap niya yung Japan.

"Lahat nakakausap niya."

Mungkahi pa ng aktor, “Siguro dapat ho ganun muna ang ating posisyon. Kasi wala naman ho tayong ipagyayabang.

“Puwede ho 'yan, magkaroon ng bilateral agreement between Philippines and China. 'Yan ho ang dapat nating isinusulong.

"Ngayon at hindi pa nagkakaroon ng talagang konkretong agreement, dapat magkaroon muna ng malalamig na ulo diyan.

“Hindipupwede ang maiinit na ulo diyan kasi madadamay ho ang buong daigdig 'yan.”

Paglilinaw ni Robin, wala siyang duda sa katapangan ng Pilipino.

Continue reading below ↓

“Kung patapangan po ang laban, hindi ho tayo puwedeng magpatalo diyan, dahil matapang ang Pilipino.

"Pero ang Pilipino, hindi naman tanga. Pagpapraktisan lang ho tayo diyan.

"Gusto niyo ho ba yun?

“Yung ating bayan, e, pagpraktisan lang ng missile nila.

“Naku naman, sa tingin niyo ho ba tatagal ang Pilipinas?

“Minsan ang katapangan ibabalik sa logic. Kailangan meron po tayong logic.

“Pag sinasabing logic, yung nasa katotohanan tayo.

“Yun nga po ang ating message, at si Pangulong Rodrigo Duterte, naging malamig ang kanyang ulo.”

Sa huli, may pakiusap si Robin:

“Sana po lahat ng maging kababayan natin, huwag masyadong maging padalus-dalos.

“Hindi ho ito labanan ng itak pa. Tapos na ho ang labanan ng itak. Tapos na ho ang labanan ng baril.

“Ito ho ay labanan ng missile. Wala po tayo nun.

“Yun ang nakalulungkot, wala po tayong maipagmamalaki sa ngayon.”

Continue reading below ↓

Read Next
Recommended Videos
Trending on PEP.ph
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Robin Padilla on President Rodrigo Duterte's stand on Chinese vessel incident: "Siguro dapat ho ganun muna ang ating posisyon. Kasi wala naman ho tayong ipagyayabang."
PHOTO/S: Noel Orsal / ABS-CBN News on You Tube
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results