Bukas na sa publiko ang lamay ng beteranong aktor at direktor na si Eddie Garcia sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.
Pumanaw si Eddie nitong Huwebes ng hapon, June 20.
Alinsunod sa kahilingan ng yumao, nai-cremate kaagad ang mga labi ng aktor, Biyernes ng madaling-araw, June 21.
Ang urn ng kanyang abo ang nakalagak sa Chapel 3 ng Heritage Memorial Park.
Nitong Biyernes ng tanghali, June 21, nagpaabot ng mensahe ang longtime partner ni Eddie na si Lilibeth Romero sa lahat ng mga nagdasal at nakasuporta sa aktor noong ito ay dumadaan sa matinding laban sa kanyang buhay.
Sabi ni Lilibeth sa kanyang Facebook post: “Eddie passed on yesterday June 20, 2019 and was cremated straight from death bed as he wished.
“His wake is at the Chapels 2,3 and 4 Heritage Park, Taguig starting today till Sunday.
“Thank you for the continuous outpouring of prayers, support and love.”
Sa hiwalay na pahayag na ipinadala niya sa ABS-CBN News, sinabi ni Lilibeth na sa loob ng 12 araw na nasa ospital si Eddie ay hindi niya ito maiwan-iwan dahil naramdaman niyang lumalaban pa ito.
Aniya, “For 12 days I did not leave him; maybe he did not really want to go because he wanted another take.”
Sa darating na Linggo, June 23, pagkatapos ng lamay, ay iuuwi raw muna ni Lilibeth sa kanilang bahay ang urn na naglalaman ng abo ni Eddie.