Sa nakaraang tatlong Disyembre ay maraming Pilipino ang
nakapanood at naaliw sa pelikulang tungkol sa mahiwagang mundo ng mga tagalupa
at ang mundo ng Engkantasya. Idinerehe ni Tony Reyes ang ika-apat na
installment ng pelikulang Enteng Kabisote na magkukuwento ng buhay ni Faye (Kristine
Hermosa) bago pa siya umibig sa mortal na si Enteng (Vic Sotto).
Matatandaan na ang Enteng Kabisote: Okay Ka Fairy Ko The Legend (2004), Enteng Kabisote 2: The Legend Goes On (2005) at Enteng Kabisote 3: The Legend Goes On & On & On (2006) ay pawang naging top grosser sa bantog na Metro Manila Film Festival. At ngayon nga'y muling ibinabalik ng OctoArts Films at M-Zet Productions ang pelikulang minamahal ng mga Pinoy tuwing Kapaskuhan sa ika-apat nitong bahagi: ang Enteng Kabisote 4: Okay Ka Fairy Ko (The Beginning of a Legend).
Marami ang humuhulang magiging top grosser na naman ito kagaya ng tatlong nauna.
Ani ni Vic Sotto, ang bida ng pelikula, "Salamat naman kung ganoon ang pakiramdam nila. Kami naman na bumubuo ng proyekto ay masaya nang tinatangkilik ng marami ang aming pinagpaguran. Para sa kanila talaga ito. Pinaganda namin para sa kanilang kasiyahan."
Sinasabing ito na nga ang pinakabonggang Enteng Kabisote pagdating sa istorya, casting, special effects, budget at pangkalahatang production value.
"Totoo 'yon! Kung mapapansin ninyo, taon-taon ay sinisigurado naming mas maganda ang sequel, na meron pa ring bagong makikita ang mga tapat naming manonood," paniniguro ni "Bossing" Vic.
"Mas ginagawa naming exciting ang twists ng story. Gaya ngayon, babalikan namin ang nakaraan ni Faye sa Engkantasya bago siya naging asawa ni Eneteng. Maraming mari-reveal na sikreto tungkol sa kanyang nakaraan.
"Special effects-wise, high-tech ang mapapanood ng mga tao ay tiyak na maiibigan ng mga bata. Mas hihigitan nito ang special effects ng tatlong nauna lalo na ang fight scenes. Marami ring nadagdag na mga artista rito maliban sa amin nina Kristine Hermosa, Oyo Sotto, Aiza Seguerra, G Tongi, Ruby Rodriguez, at Jose Manalo.
"Nariyan rin sina Ian Veneracion [Taong Paniki], Francine Prieto [Babaeng Dragon], Carlos Agassi [Narding Yakitiyak] at Tita Swarding Aswang bilang pangunahing makakalaban ni Enteng. May mahalagang papel din sina Ian de Leon, Arthur Solinap, Elisa Pineda, Mikylla Ramirez, Jomari Yllana, Peque Gallaga at, siyempre, si Joey de Leon sa isang special guest appearance bilang Karimarimarimar," kuwento pa ng TV host-comedian.
Star-studded ang pelikula at mayroong mga elemento ng drama, action, fantasy at comedy. Magbubukas ang Enteng Kabisote 4: Okay Ka Fairy Ko (The Beginning of a Legend) sa mga sinehan simula sa araw ng Pasko, Disyembre 25.