Mahusay na aktor ang batang si Noel Comia Jr.
Sa katunayan, ang huli niyang mainstream film ay ang highly-acclaimed movie na Rainbow’s Sunset at ang huli naman niyang ginawang indie film bago ang Children of the River ay ang Kiko Boksingero, kung saan siya ang tinanghal bilang Cinemalaya Best Actor noong 2017.
Sa Rainbow's Sunset, gumanap bilang lolo ni Noel ang namayapang Pinoy film icon na si Eddie Garcia.
Pahayag ni Noel, “Truly it’s a sad moment for the whole industry.
“Si Sir Eddie po kasi, very professional po siyang katrabaho, and pag nagbigay po sila ng call time, mga thirty minutes before or one hour before andun na po siya.
“Kahit isa na po siyang veteran actor and marami ng recognition, he’s still down-to-earth and very humble, kaya napakalungkot po na nawala na po siya.”
Nakausap namin si Noel sa Limbaga 77 restaurant (sa Quezon City) noong June 20, sa press conference para sa indie movie na Children of the River na araw mismo ng pagkamatay ng showbiz icon.
HATS OFF TO EDDIE'S PROFESSIONALISM
Ano ang isang bagay na hindi niya makakalimutan sa pumanaw na veteran actor/director?
“Iyon nga po, kahit napakagaling niyang aktor, ang tagal na niya pong umaarte, hindi po siya maarte!
“Hindi po siya reklamador, very professional po,” pagpuri niya.
Blessed and very thankful raw si Noel na nagkaroon siya ng pagkakataon, kahit isang beses lamang, na makatrabaho ang nag-iisang Eddie Garcia.
NEW ROLE, NEW APPROACH
Tinanong naman namin si Noel kung ang husay na ipinakita niya sa Kiko Boksingero ay mapapanood rin ng publiko sa Children of the River.
Pag-amin niya, “Well, hindi ko po maku-compare yung pag-arte ko po sa Kiko Boksingero and sa Children of the River kasi magkaiba po sila.
“Dito po sa Children of the River, ako po si Elias, anak po ako ni Sir Jay [Manalo] and ni Miss Rich [Asuncion], and si Elias po, he’s a kid na may group of friends.
“Yung childhood friends niya po, lahat po kami anak po ng mga sundalo.
“And among his group of friends, siya po yung intelligent, he’s collected and magaling po siyang mag-isip and parang yung goal niya po dito is hanapin niya yung identity niya.
“So basically it’s about an identity crisis, kung ano po ba talaga siya.
“Iyon po.”
INTERNALIZING GAY ROLE
Unang beses na gaganap si Noel bilang teenager na tagong bading o closet gay.
Nahirapan ba siya?
“Medyo po.
“Kasi before the shoot, talagang inaral ko po yung actions, yung script po at sinabihan po ako na pag-aralan kung paano gumalaw or kung paano umarte yung... mga quirks po ng mga gay.
“Wala po akong pinanood [na pelikula para paggayahan] pero yung basic day-to-day activities ko po parang ino-observe ko lang po yung mga tao, yung iba-iba nilang galaw.
“Dahil nga po sa industry natin marami pong mga gay people, parang nare-recall ko po yung mga experiences ko with them, so I try to imitate or do what they do.”
Mabuti at napapayag si Noel na gumanap ng isang delikadong papel.
Diin niya, “Well, kung kinakailangan po, talagang gagawin ko po iyon.”
Paano kung i-bully siya ng mga kaklase o kaibigan niya dahil sa gay role niya sa Children of the River?
“Okay lang naman po na i-bully nila ako kung iyon po talaga yung gusto nila, kasi alam ko naman po talaga kung ano yung totoo,” depensa niya.
CINEMALAYA 2019
Ang Children of the River ay produced ng Spears Films (ni Albert Almendralejo) sa pakikipagtulungan ng Luna Studios at GMA Films.
Ang nabanggit na pelikula ay sa panulat at direksyon ni Maricel Cariaga at pinagbibidahan ni Noel (Cinemalaya 2017 Best Actor para sa Kiko Boksingero) kasama sina Jay Manalo, Juancho Trivino at Rich Asuncion.
Dalawa ang entry ng Spears Films sa Cinemalaya 2019: ang Children of the River at Malamaya nina Sunshine Cruz at Enzo Pineda na co-prod naman ng ALV Films.
Gaganapin ang Cinemalaya Film Festival mula August 2 hanggang August 11, 2019.