Hindi nawawalan ng pag-asa ang comedienne-singer na si Kakai Bautista na maipapalabas pa rin ang launching film niya na may title na Miss Q & A na dinirek ni Lem Lorca.
Noong 2017 pa raw natapos ang movie na ito ni Kakai, pero ang naging problema raw ay ang pag-backout ng isang producer.
“Two years na siyang natapos talaga.
“Yun nga lang, may naging problema sa producer kaya hindi ma-release ang movie.
“Hindi na nga kami nagtatanong kung ano na ang magiging plano sa movie. Pinapasa-Diyos na lang namin.
“Short hair pa nga ako noong mag-shoot kami.
“Nauna pa yang Miss Q & A sa mga nagawa kong movies na Wander Bra at Harry & Patty,” pahayag ni Kakai sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa media launch ng pelikulang Family History sa Novotel Manila Hotel in Quezon City.
STILL RELEVANT
Nagkaroon pa nga ng search para sa magiging leading man ni Kakai sa Miss Q & A movie noong 2016. Si Zoren Legaspi ang napiling leading man para kay Kakai.
“Kaya nga pinagdarasal ko na sana maipalabas na yung movie dahil pinaghirapan namin nang bonggang-bongga yung movie.
“Pero kahit na two years old na yung movie, puwede pa yung story.
“Comedy naman siya at maraming kakiyemehan ang pelikula. Kaya swak pa rin siya sa audience,” paninigurado pa ni Kakai.
THANKFUL FOR MOVIE PROJECTS
Nagpapasalamat naman daw si Kakai na sunud-sunod ang mga trabaho niya.
Karamihan daw ay shows sa iba't ibang bansa at nakatapos pa siya ng dalawang pelikula: Family History for GMA Pictures and Hello, Love, Goodbye for Star Cinema.
“Sa awa ng Diyos ay nakaka-survive tayo.
“Parating may show tayo sa ibang bansa, may guestings sa mga sitcoms at may movies.
“Tulad nito, kasama ako sa Family History na dinirek at sinulat ng idol ko sa comedy na si Michael V.
“Would you believe na Tropang Trumpo days pa ay paborito ko na si Direk Bitoy?
“Pati yung mga comedy movies niya sa OctoArts Films noon pinapanood ko.
“Sobra ang paghanga ko kay Direk Bitoy.
“Mula sa pagiging mahusay niyang comedian sa Bubble Gang at Pepito Manaloto, may talent din siya sa pagsulat at pagdirek ng movie.
“Kaya I feel so special nung mapasama ako sa cast at maging BFF [Best Friend Forever] ni Ms. Dawn Zulueta!
“Galing na mismo kay Ms. Dawn, maganda raw ako!” tawa pa ni Kakai.
WORKING WITH ALDEN
Sa Hello, Love, Goodbye naman ay nagkaroon ng pagkakataon na makatrabaho ni Kakai ang Pambansang Bae na si Alden Richards.
“Love ko yang si Alden! Ang bait-bait niya talaga.
“Nasa cast din ako ng movie nila ni Maine [Mendoza] na Imagine You & Me, pero wala kaming naging eksena ni Alden.
“Lahat ng eksena ko si Maine lang ang kasama ko.
“Kaya noong mag-shoot kami sa Hong Kong, yung buong cast kasi tulad nila Kathryn Bernardo, Joross Gamboa and the rest, nakatrabaho ko na nang ilang beses na. Si Alden lang yung bago sa grupo.
“Akala ko tahimik lang si Alden, pero nung nakagaanan ko ng loob, napakasarap kakuwentuhan. Marami kang madidiskubre sa kanya.
“Malalim siyang mag-isip at lahat ng sabihin niya may sense. Yung papakinggan mo talaga siya.
“Kaya sobrang kong mahal yang batang yan.
“Kesehodang bina-bash ako sa social media ng ibang fans. Basta kami ni Alden, close kami!” diin ni Kakai.