Halos isang taong hindi nagteleserye si Francine Prieto.
Ang huli pa niya ay ang Haplos sa Kapuso network.
Ngayon lang ito nasundan sa bagong afternoon horror series ng GMA-7 na Hanggang Sa Dulo ng Buhay Ko.
“Noong nag-asawa ako, naging ‘chemist’ ako—ke mister umaasa!” natawang hirit ni Francine nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan sa mediacon sa GMA Network Center.
“After Haplos, ang plano talaga, magre-relocate kami.
"Meron siyang offer sa Eastern Europe, pero ang daming nangyari, so dito na sa ngayon.”
Hindi niya masabi kung for good na sila sa Pilipinas ng mister na si Frank Shotkoski.
“Hindi ko na alam, hindi ko na nga rin tinatanong!” natawang sabi niya.
“E, alam mo naman ang mga talent coordinators, kahit saang network, tanong lang din nang tanong.
“Ikaw naman, 'Okay po, available ako, hindi ako available,' ganun lang, 'tapos hindi rin nakukuha.
“'Tapos, eto, nag-text sa akin, niloloko-loko ko pa. Sabi sa akin, ‘Magkano po ang talent fee ninyo?’ Sagot ko, one million.
“'Tapos, nakuha ko. Pero hindi one million ang per taping ko, ha?!” natatawa pa ring paglilinaw ni Francine.
BABY PLANS
Tatlong taon nang kasal si Francine sa kanyang Amerikanong mister na si Frank.
“Late na rin akong nag-asawa,” sabi niya.
“Noong nasa 30s na ako, tingin ko, hindi kaya isa roon sa naging boyfriend ko o naka-date ko, yun ang dapat para sa akin?
“Naisip ko rin na kung hindi ako nag-inarte, baka yun na ang nakatuluyan ko. Minsan, naisip ko, baka hindi na rin talaga.
“'Tapos yun, bigla, na-meet ko siya. Kaya nga dapat, huwag kang mawalan ng pag-asa.”
Kahit isang American, mas gusto ng mister niya sa bansa.
Kung mabibiyayaan sila ng anak, okay. Kung hindi, okay lang din daw sa kanilang mag-asawa.
“Magastos kasi ang baby, seryoso,” sabi ni Francine.
'“Tapos, yung husband ko, may mga investment dito.
"E, alam ninyo naman dito, mabagal lahat. 'Tapos siya, masyado siyang pasensiyoso.
“Parang ako, ayoko munang makidagdag ng stress.”
Dugtong pa ni Francine, “Kami naman, kung magkaroon ng anak, okay. Kung hindi, okay lang din.
"Hindi naman niya ako iiwanan kung wala kaming anak.
“May iba kasing relationship na basehan nila, anak.”
Ano sa palagay niya ang dahilan kung bakit nagkakasundo silang mag-asawa?
“Ang laging payo ko, dapat same page kayo,” saad niya.
“Kasi minsan, kapag magkaiba kayo—paniniwala, okay lang.
"May mga bagay na puwedeng i-compromise. Pero hindi lahat ng bagay, puwedeng i-compromise.
“Kailangan, same page kayo. Kapag magkaiba kayo, hindi kayo tatagal.”
Ready si Francine sakaling ayain siya ni Frank na sa ibang bansa na sila manirahan.
“Okay lang, kasi hindi rin naman stable rito!” pag-amin niya pero natatawa.
“Well, okay lang naman kasi, sabi ko nga, buong buhay ko naman, nandito na ako.
"Siguro, gusto ko lang din ma-experience ang iba.
“Pero yun lang nga, ang kinakatakot ko lang din, kung lilipad ako sa iba, ano ang gagawin ko?
"Siguro chemist—ke mister umaasa.”
SUPERNATURAL EXPERIENCE
Halos lahat sila sa cast ng Hanggang Sa Dulo ng Buhay Ko ay hindi makapagsalita sa kung ano talaga ang karakter nila.
“Noong storycon namin, ang ganda ng kuwento niya. Kaya kaming lahat, parang hirap magkuwento.
“Kasi, yung first two weeks pa lang, ganun kadugo ang aming taping. Bawat isang scene, ganun katagal ginagawa.
“Parang pagod na pagod ka, pero kapag napanood mo naman, ang ganda ng kinalabasan,” sambit ni Francine, na gaganap bilang ina ni Kim Domingo sa nasabing horror series.
Sa totoong buhay, wala siyang third eye, pero dalawang beses na siyang may supernatural experience.
“Na-experience ko, una yung sa Japan. Umikot yung shower. Malakas ang multo sa Japan lalo na kapag tumira ka sa bahay.
“Di ba, totoo yun, kapag tumira ka sa Japan, bago ka umalis, dapat mag-iiwan ka ng tubig at pagkain.
"Minsan, pagbalik mo, bawas yun.
“Kaya kapag dumarating, ang palagi nilang sinasabi, ‘Tadaima!' which means, I’m home.
"Kasi, wala naman silang blessing tulad sa atin, sa Catholic at Christian.”
Dagdag ni Francine, “Yung isa naman, sa La Union, yung isang hotel na pinuntahan namin, basta along the highway siya.
"Pagpasok ko pa lang, iba ang pakiramdam ko.
“Ang taas ng ceiling namin. 'Tapos, ang daldal ko, bigla na lang yung toiletries ko, e, ang bigat nun, nasa table, biglang nalaglag.
"'Tapos, yung shower na naman.
“And then, yung stepdad ko, bago mamatay, kung saan-saan siya.
"Naka-lock ang room, may nanonood, nakabukas ang shower ng banyo.
"Pero sabi naman ng daddy ko, 'Matakot ka sa buhay, ‘wag sa patay.'”