Pumanaw na ang kilalang disc jockey ng MOR (My Only Radio) 101.9 na si DJ Jasmin—Jasmin Basar sa totoong buhay—nitong madaling-araw ng Martes, July 30.
Siya ay 35 years old.
Bago tuluyang pumanaw, ilang buwang nakipaglaban si DJ Jasmin sa sakit niya sa kidney.
Sa Facebook account ng MOR, isang maiksing mensahe ang ipinaabot nila sa kanilang followers: “Salamat, Jasmin. Mahal ka namin.”
MESSAGE FROM HER COLLEAGUES
Ilan naman sa mga kasamahan ni DJ Jasmin sa MOR ang nagpahayag ng kalungkutan sa pagpanaw ng kanilang kapwa-DJ.
Ang kanyang co-host sa Dear MOR na si DJ Popoy ay mami-miss daw ang "kwentuhan, asaran, payuhan" nilang dalawa.
Pahayag ni DJ Popoy, “Baby girl Jasmin Balong, Jr, the Turd. Mami-miss kita Manang Jasmin ko.
"Kwentuhan,asaran,payuhan na pang sating 2 lang.
"Tunay kang kaibigan Jasmin.
"Magpahinga ka na.
"Gabayan mo kami.
"Goodbye partner.
"I love you!"
Si DJ Chacha naman ay may emosyunal na post tungkol sa yumaong kasamahan sa istasyon.
Sabi niya, "Sa ganitong itsura mo gusto kitang maalala. Masaya at malakas.
"Habang buhay kong ipagpapasalamat na nagkaroon ako ng pagkakataon makatrabaho ka mars.
"Mamimiss naming lahat ang mga ngiti mo ang halakhak mo, ang mga hugot mo sa radyo.
"Hindi ka na mahihirapan ngayon mars.
"I-hello mo ko kay Lord diyan. See you soon, DJ Jasmin.
"Lord tulungan mo po kaming mga naiwan ni Jasmin lalo na ang pamilya at malalapit na kaibigan niya makayanan ito."
Si Jasmin ay graduate ng Communication Arts sa Far Eastern University.
Siya ay nagsimula bilang DJ sa MOR noong 2009.
Isa sa mga unang programa niya ay ang Dear Jasmin.