Boyfriend nga ba ng kapatid ni Heart Evangelista si Andrew Wolff?
Ito ang katanungan ng netizens kaugnay ng family photo na ibinahagi ni Heart nang magdiwang ng kaarawan ang ama niyang si Rey Ongpauco.
July 29, 2019 nang i-post ni Heart sa kanyang Instagram ang litrato kunsaan kasama ang dalawa niyang nakatatandang kapatid na sina Michelle at Camille Ongpauco.
Naroon din ang mister ni Heart na si Sorsogon Governor Francis "Chiz" Escudero at dalawang anak nito.
Kasama rin si Andrew sa litrato, na siyang ipinagtataka ng ilang netizens.
Sa halip na sagutin ang netizens, idinaan ni Andrew sa kung anu-anong paiwas na komento tungkol sa ugnayan niya sa pamilya ni Heart.
Una ay nagbiro si Andrew na "crasher" siya sa party ng ama ni Heart.
Sinabi rin niyang nakakuha siya ng "access pass" para makasama sa private get-together ng pamilya Ongpauco.


Hirit pa ni Andrew, naroon daw siya para i-blow ang cake ng ama ni Heart.
Nag-comment din si Andrew na "nanay" niya si Heart at "stepfather" niya si Chiz.

IN A RELATIONSHIP WITH HEART'S SISTER?
Sa comments' section ng post ni Heart, may ilang netizens na nagtanong kung may ugnayan ba si Andrew sa kapatid ni Heart na si Camille.
Pero ang ipinagtataka raw ng ibang netizens, sa pagkakaalala nila ay ikinasal si Camille sa isang non-showbiz guy noon lamang 2016.


Noon ngang October 2016 naiulat sa ilang online news sites ang kasal ni Camille sa longtime boyfriend nito na isang non-showbiz guy.
Sa puntong ito, sumagot ang isang netizen na si @resztyrose, o Resty Rosell.
Natukoy na personal assistant at kapamilya kung ituring ito ni Heart, base na rin sa ilang Instagram posts ng Kapuso actress kunsaan kasama si Resty.
Ayon kay Resty, "WALANG ASAWA" ang kapatid ni Heart na si Camille.
Kahit pa raw tingnan sa Philippine Statistics Authority—na dating kilala bilang National Statistics Office o NSO—ay wala raw makikitang na-file na marriage certificate roon si Camille.

Base rito, lumalabas na hiwalay na si Camille sa non-showbiz guy na napabalitang ikinasal dito noong 2016.
WHO IS ANDREW WOLFF?
Si Andrew ay isang Filipino-British actor-model na nakilala ring professional rugby player.
Naging bahagi siya ng Philippine Volcanoes, ang Philippine national rugby team na nagko-compete sa ibang bansa.
Noong 2012, napili si Andrew bilang kinatawan ng Pilipinas na lumahok sa male beauty pageant na Mr. World, na ginanap noon sa Kent, England.
Napanood din siya sa mga pelikulang Moron 5 and The Crying Lady noong 2012 at Praybeyt Benjamin noong 2011.
