Niresbakan ng Kapuso actor na si Derek Ramsay ang isang basher sa Instagram na pinagsalitaan siya ng masama.
Ngayong araw ng Huwebes, August 8, nag-post si Derek sa Instagram ng larawan nila ng kanyang pamangking babae.
Kabilang sa mga nagkomento rito ay ang IG user na may handle name na @shinettarevalo.
Inihalintulad ng basher si Derek kay Gerald Anderson, na mainit na pinag-usapan ngayon dahil sa hiwalayan nila ni Bea Alonzo at pagkakaugnay nito kay Julia Barretto.
Ayon sa basher, "nagmana" raw si Gerald kay Derek.
Buong komento ng netizen: “Gawa kna kasi ng baby mo matanda kna Hindi ung puro kalandian lng gnagawa m. Yan tuloy si Gerald Anderson nagmana sau.”

Hindi ito pinalampas ng The Better Woman actor.
Sarkastikong sagot ni Derek: “@shinettearevalo salamat sa advice and i hope because of what you said masaya ka for the rest of your day.”

Isa namang follower ni Derek ang nagsabing mayroon nang anak ang aktor sa estranged wife nitong si Mary Christine Jolly.

Buwelta naman ni @shinettearevalo, "@iiamsachie alam ko sa asawa nya dati Ky Jolly. Anung akala m sakin tanga.
"What I mean is sa present. Gago isip isip dn kasi."

Sumagot muli rito si Derek at tila hindi na napigilan ng aktor ang kanyang damdamin.
Mensahe niya sa basher: “@shinettearevalo hey wag ka bastos! Ikaw nga ang gago tapos ikaw pa bastos.”

