"Walang live-in."
Wala umanong katotohanan ang alegasyong umalis si Morissette Amon sa poder ng kanyang mga magulang upang makipag-live-in sa boyfriend niyang si Dave Lamar.
Kaugnay ito ng mga mainit na patutsada ng ama ni Morissette na si Amay Amon hinggil sa sigalot sa kanilang pamilya.
Si Morissette ay 23 years old, habang ang ama niyang si Amay ay 45.
Naiulat dito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong August 16, Biyernes, ang pahaging ni Amay sa Twitter tungkol sa isyung pakikipag-live in o pakikipagtanan.
Hindi tuwirang pinangalanan ni Amay ang anak na si Morissette, pero kapansin-pansing napagitnaan ng kanyang matalinhagang tweets ang ipinost niyang screenshot ng litrato ni Dave.
Base sa nagdaang tweets ni Amay, lumalabas na makailang beses na niyang pinaringgan si Dave na siya umanong boyfriend ni Morissette.
Ito ay sa kabila na walang inaamin si Morissette sa publiko na nobyo nito.
Si Dave ay kasabayan ni Morissette sa ABS-CBN reality show na The Voice of The Philippines Season 1 noong 2013.
Pasado alas-dose ng umaga noong Lunes, August 19, isang source ang nagpaabot sa PEP.ph ng impormasyong umalis nga si Morissette sa poder ng mga magulang nito.
Pero taliwas sa patutsada ni Amay, si Morissette ay hindi umano sumama sa nobyo kundi nakatira sa bahay ni Audie Gemora sa isang exclusive village simula noong March 2019.
Si Audie ay presidente ng Stages, ang talent management na co-manager sa singing career ni Morissette.
Ayon sa source, hindi na umano kinaya ni Morissette ang sobra-sobrang "pagbabawal" at "paghihigpit" sa kanya ng ama, partikular na sa pakikipagrelasyon ng Kapamilya singer kay Dave.
Nag-effort naman daw ang magkasintahang Morissette at Dave na makilala ni Amay si Dave, pero hindi raw ito umubra.
Tingin daw kasi ng ama ni Morissette kay Dave ay "starlet" at "nakikisakay" umano sa na-establish na singing career ni Morissette.
Hanggang sa nangyari ang insidenteng nagkaroon ng matinding diskusyon ang mag-ama, at umabot sa puntong "pisikal" na "sinaktan" diumano ni Amay si Morissette.
Ayon sa source ng PEP.ph, nasampal umano ni Amay ang anak.
Sa kabila nito, pinili raw ni Morissette na manahimik alang-alang sa pamilya.
"Umalis si Morissette kasi di na niya ma-take ang ginagawa ng tatay niya sa kanya...
"Parang nakikialam nang todo, e, wala naman siya nung naghihirap sina Mori. Nasa ibang babae.
"'Tapos lumabas lang nung sumikat na si Mori," komento ng source tungkol sa ama ni Morissette, na kilala rin sa palayaw na Mori o Mowie kung tawagin din ng kanyang fans.
MORISSETTE'S "PHP20 TO PHP30 MILLION SAVINGS"
Sa naunang naiulat na tweets ni Amay, isa sa mga mainit na patutsada niya hinggil sa sigalot nilang mag-ama ay ang biglaang pagpapatigil umano ni Morissette sa pagpapatayo ng bahay ng kanilang pamilya.
Diumano, may nanulsol kay Morissete na huwag nang ituloy ng tila guarantor sa banko kaugnay ng ipinapatayong bahay ng Kapamilya singer.
Tweet ni Amay noong March 18 (published as is): "So the bank informed us that David's uncle asked to stop HER construction.
"Looks to me suggesting breach of contract, penalties, fees, and most of all, bad bank record.
"OK lang sana kung hindi SiYa or HER name ang mag suffer.
"These are the people who guides her now btw..."
Lahad naman ng source ng PEP.ph, hindi basta na lang umalis si Morissette nang hindi inisip ang kapakanan ng pamilya.
Iniwan umano ni Morissette sa mga magulang ang savings niya sa bangko na nagkakahalaga ng "PHP20 million to PH30 million."
Kung tutuusin daw, ang perang iyon ay magagamit ng mga magulang ni Morissette at "puwede na nila ipagpatayo ng bahay."
Dagdag ng source, "Iniwan ni Mori lahat ng savings niya sa pamilya niya nung umalis siya.
"Mori had to start again."
Kahit noong nasa poder pa raw ito ng mga magulang, sadyang mapagbigay si Morissette sa pamilya.
Sinusuportahan din daw ni Morissette kung anuman ang pinagkakaabahalan ng ama, 'tulad ng pagmo-motocross nito.
Base na rin daw ito sa ibinabahaging Instagram posts ni Amay.
Sabi pa ng source, "And nagga-Grab si Mori dahil gamit ng tatay sasakyan niya... para makapag-motor..."
Kapag may shows si Morissette abroad, isinasama nito ang pamilya at sagot daw ng singer ang kanilang gastos.
Makikitang nakakapag-travel nga ang pamilya ng singer sa ibang bansa, base sa Instagram post na ito:
Kaya hindi maintindihan ng source kung bakit sa kabila ng pagtatrabaho nang husto ni Morissette para sa pamilya ay nakuha pa raw umanong saktan ng ama ang anak at ganoon na lang kung siraan ito sa social media.
FATHER ISSUES?
Lumalabas na masalimuot ang relasyon ng mag-ama.
Taong 2010 nang nagsimulang makipagsapalaran si Morissette sa Manila kasama ang kanyang ina at kapatid na nagmula sa bayan nila sa Cebu.
Sumali noon si Morissette sa Artista Search, ang reality show ng TV5, kunsaan isa siya sa napiling finalists.
First runner-up ang napanalunan noon ni Morissette. Ang grand winner ay si Eula Caballero.
Pero tuluyang nakilala si Morissette sa music scene nang sumali siya sa The Voice of The Philippines Season 1 sa ABS-CBN, noong 2013, sa ilalim ng pagtuturo ni Coach Sarah Geronimo.
Kaugnay nito, napag-alaman ng PEP.ph na taong 2014 nang manirahan na rin ang ama ni Morissette sa Manila.
Dating nagtatrabaho sa call center sa Cebu ang ama ni Morissette.
Sa pagkakaalam ng source, noong pumunta si Amay ng Manila ay hindi na ulit ito nagtrabaho, liban na lang daw sa kung minsang pagsama nito kay Morissette sa shows ng singer.
Pero ang talaga raw tumutok kay Morissette mula noong nagsisimula pa lang ang singing career nito ay ang ina ng singer.
AMAY ON MORISSETTE'S ALLEGED DISRESPECTFUL BOYFRIEND
Hanggang sa nitong February 2019, nagpakawala ng mainit na pahayag si Amay sa Twitter tungkol sa pag-alis ni Morissette sa kanyang poder, dala ng panunulsol diumano ng nobyo ng dalaga.
Galit na isinalaysay ni Amay ang diumano'y kawalan ng respeto sa kanya ng boyfriend ni Morissette, at pati na ang umano'y pagtatago nito sa likod ng isang fake Twitter account para mangatuwiran sa kanya.
Hanggang sa nadawit na sa kontrobersiya si Dave Lamar.
Ilang netizens na tila kampi kay Amay ang nagpaabot kay Dave na siya umano ang nasa likod ng anonymous Twitter account na nakasagutan ng ama ni Morissette.
Pero mariing pinabulaanan ni Dave na siya ang may gawa noon.
Noong June 22, sa pakikipagpalitan niya ng tweets sa ilang netizens, sinabi ni Dave na isa lang ang kanyang Twitter account.
Giit ni Dave, hindi niya pag-aaksayahan ng panahon ang gumawa ng fake account, lalo na't hindi raw siya active sa Twitterworld.
Sa kabila nito, ni-retweet ni Amay ang isang tweet ni Dave na may laughing emojis.
Nilagyan ito ni Amay ng tila pahaging na caption na "Lo and behold... the smile of the righteous..."
At nasundan ito ng matalinhagang tweets ni Amay tungkol sa pagpili umano ni Morissette sa kanyang nobyo kaysa sa sariling pamilya.
Noong July 17, nagpahaging din si Amay kay Dave "na palaging naka-buntot" umano kay Morissette kahit sa exclusive party ng talent management ng singer.
Base ito sa litrato nina Morissette at Dave na kalakip ng tweet ni Amay.
Sa pamamagitan ng Instagram direct message, hiningan ng PEP.ph ng reaksiyon ang ama ni Morissette hinggil sa isyu.
Noong August 19 at nito ulit August 23, ipinaabot namin kay Amay ang tungkol sa insidente na nasampal diumano nito ang anak, na sinasabing mitsa ng pag-alis ng singer sa poder ng mga magulang.
Pero habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang sagot si Amay.
MORISSETTE'S CRYPTIC INSTAGRAM POST
Noong August 16 at 19, sinubukan din naming kunan ng pahayag si Morissette Amon tungkol sa alitan nilang mag-ama.
Pero hindi pa rin sumasagot ang Kapamilya singer.
Liban dito, sa kanyang Instagram account ay tila nagpahiwatig si Morissette tungkol sa pinagdadaanang problema.
"Let go, and let God," ang simpleng dasal ni Morissette.
Sa comments' section, sumang-ayon si Dave Lamar na sinasabing boyfriend ng Kapamilya singer.
"He's got our backs!"
Noong August 16, sa pamamagitan ng Facebook Messenger, sinubukan naming hingan ng pahayag si David Cosico, co-manager ni Morissette, pero hindi ito sumagot.
MORISSETTE NOW IN CANADA
Nitong August 22 at 23, ipinaabot din namin ang isyu sa manager ni Morissette na si Carlo Orosa ng Stages talent management.
Pero hindi ito nagbigay ng pahayag tungkol sa isyu.
Ang tanging text message niya sa PEP.ph: "We can't give anything yet at this time. Mori is in Canada."
Agad ilalathala ng PEP.ph ang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito sa oras na matanggap namin ito.