Naiyak si Arci Muñoz nang i-bring up ang hiwalayan nila ng kanyang ex-boyfriend na si Anthony Ng.
Nangyari ito sa episode ng Tonight With Boy Abunda kagabi, August 31.
Sa huling bahagi ng interbyu ni Arci kasama ang Open co-star niyang si JC Santos, tinanong siya ng host na si Boy Abunda kung single na ba siya ulit.
Tanong ni Boy: "Oo o hindi: single ka na ba uli? Naghiwalay na ba kayo ng boyfriend mong si Anthony?"
Napangiti si Arci sa tanong, at sinabing, "Bakit ako kinabahan?"
Pagkatapos nito ay nagbiro pa ang Kapamilya aktres na dapat may pinapatugtog na background music habang sinasagot niya ang tanong.
Kinanta pa ni Arci ang ilang linya ng "Sana" ng I Belong To The Zoo, subalit hindi na niya natapos ang kanta dahil napayuko na ito at tinakpan ang mukha.
Nang inangat ni Arci ang kanyang mukha, nakangiti pa siya pero nagsimula itong maluha.
Bilang sagot naman sa tanong ni Boy, paulit-uli na tumango si Arci para sabihing break na sila ng kanyang dating nobyo, hanggang sa tuluyan na siyang umiyak.
Sabi niya, "Actually, ano naman, e... I always keep this private life private. I want to keep it that way."
Tugon ni Boy sa kanya, "Yes, I respect that."
Sagot muli ni Arci, "Thank you po."
Inere ang taped episode na ito ng Tonight With Boy Abunda ilang oras pagkatapos kumpirmahin ni Arci ang hiwalayan nila ng boyfriend sa press conference ng upcoming teleserye niyang Pamilya Ko kahapon, August 31.
Ayon kay Arci, ilang buwan na silang hiwalay ng kanyang boyfriend, at walang third party na involved sa kanilang breakup.
Taong 2017 nang unang isapubliko ni Arci ang relasyon niya kay Anthony.
