“No more,” ang tugon ni Arci Muñoz sa estado ng relasyon nila ng kasintahang Chinese businessman na si Anthony Ng.
Inamin ni Arci ang hiwalayan nila ng non-showbiz boyfriend sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) matapos ang presscon ng bagong serye niya sa Kapamilya network na Pamilya Ko, na ginanap sa Dolphy Theater nitong nakaraang Biyernes, Aug,. 30.
Sa tanong kung ilang buwan na ang nakakalipas mula noong kanilang hiwalayan, sumagot naman ang 30-year-old actress.
Aniya, “A few months pa lang."
Sumang-ayon naman si Arci sa komento namin na tila maayos naman ang relasyon nito sa kasintahan.
Sambit pa nitong pagpapatunay, “Super!”
REASON BEHIND BREAKUP
Pero bakit sila naghiwalay? Ano ang dahilan?
Nakatungo at nangingiting sumagot ito ng, “It’s shallow.”
Hindi raw ang pagiging fan ni Arci sa mga Korean o K-Pop artists ang rason.
“He’s supportive naman of anything,” sabi niya.
Hindi rin daw ang pag-aartista at mga sexy scenes niya ang dahilan.
Agad itong nagpaliwanag at nagsabing, “No, not really. Hindi naman po.
"Ever since naman, he knew naman kung ano ako. It’s just really... it’s not the right time.”
Sa ngayon ay wala raw nakikitang posibilidad si Arci na magkakabalikan sila ni Anthony.
Sabi ng Kapamilya actress, “I don’t know, e.
"I can’t say po kasi masaya ako kay Park Jimin,” pabirong banggit niya sa Korean singer na paborito niya.
MUTUAL DECISION
Hindi ba sila friends ni Anthony sa ngayon?
“Ahmm, no,” mabilis niyang sagot.
Sino ang nakipag-break kanino?
Matamang nag-isip si Arci bago umaming, “Ahmm… ano po, mutual.”
Sa presscon proper, natanong lahat ng miyembro ng cast kung ano ang naisakripisyo nila para sa pamilya.
Sagot ni Arci, “Love life.”
HEEDING PARENTS' LOVE ADVICE
Sinundan niya ito ng paliwanag na kapag hindi gusto ng parents niya ang karelasyon nito, nakikipaghiwalay siya.
Sambit pa niya, “Parents know best.”
Ano ang kinalaman ng mga magulang niya sa breakup nila ni Anthony?
“Wala po, wala po. Iba po yun,” pagklaro niya.
Nilinaw ni Arci na ang tinutukoy niya ay yung mga nauna niyang mga naging karelasyon.
Patuloy pa niya, “Pero siyempre pag magulang ka, gusto mo yung best-best talaga.
“E, I understand my mom.”
HAPPY DESPITE HEARTBREAK
Kapansin-pansin na nakakapagbiro at madalas ay nakangiti pa si Arci kaya inakala ng mga kaharap niyang press at blogger na hindi siya gaanong apektado sa breakup.
Depensa niya, “Ayoko ko pong maging malungkot. Pinaiyak na po nila ako dalawang beses kahapon sa dalawang interviews, e.
“Kaya siguro sobrang obsessed ako ngayon sa BTS, di ba? Sobrang stress reliever ko sila ngayon.
“Sila lang talaga... siguro kung wala yun...”
An g BTS ay ang South Korean boyband na kinabibilangan ni Park Jimin na nauna niyang binanggit sa interview.
Maayos ang lagay ngayon ni Arci.
“Okey naman po,” patunay pa niya.
Dagdag pa niyang sabi, “I’m busy po kasi. 'Tapos, mag-aaral din po ako ngayon. Foreign language.”
Korean language daw ang kukuning kurso ni Arci.
Bulalas nito, “Oo. Oo nga!”
“Kasi nga hindi marunong mag-English yung BTS, so ako na po ang mag-a-adjust."
“Si RM lang ang marunong, si Jimin hindi pa. Nag-aaral din silang lahat ng English pati si Jungkook,” banggit pa niya sa ibang miyembro ng BTS.
NO REGRETS
Nanghihinayang ba si Arci sa “shallow” reason na pinag-awayan nila ni Anthony?
Aniya, “Ano po kasi, everything happens for a reason.
"Parang what consoles me, parang I think God has a purpose bakit siya pumayag na mangyari yung mga ganung bagay.
“Baka it’s really not meant to be.”
Dalawang taon ding tumagal ang relasyon nina Arci at Anthony.
NOT DELETING PICS WITH EX-BF
Nananatiling nakaimbak sa photo gallery ng Instagram account ni Arci ang larawan nila ni Anthony.
“Hindi po, nandun pa rin po. Hindi po ako nagdi-delete ng ex ko, kahit yung mga dati.
“Makikita niyo dun, kahit sa pinakadulo”
Patuloy nyang paliwanag, “Hindi po ako nagdi-delete sa buhay ko.
“Ano po, yan ang memories. Binigay sila ni God to teach you something.”
NOT CLOSING DOORS ON LOVE
Bagamat wala pa sa priority ni Arci ang mga posibleng manligaw sa kanya, ayaw nyang magsalita nang patapos.
Lahad niya, “Hindi ko po masasabi, e. Pag dumating, e di dumating kung sinuman siya.
“Malay mo dumating yung tamang tao next month?
"Alangan namang dahil sa sinabi ko sa sarili ko na hindi ako ready, hindi ko siya tanggapin?
“E, di kung feeling ko tamang tao, e di okey, di ba?
“Kailangan ko munang mag-move on.
"I need time for myself. Ayoko munang pagtuunan nang pansin yung love life.”
