Matapos ang teleseryeng Contessa, isang taon na nag-lie-low sa showbiz ang Kapuso actor na si Phytos Ramirez.
July 18, 2018 ang last taping day ni Phytos para sa Contessa, at July 18, 2019 siya nasabihang kasama siya sa upcoming drama series na Madrasta.
Sa loob ng isang taon na iyon, nag-guest si Phytos sa ilang shows ng GMA-7.
“'Tapos, iyon nga po, nung sinabi sa akin before pa na may audition for Descendants of the Sun, nag-audition po ako.
"'Tapos nasabihan na, maybe, maybe I’ll be part of it.
“So siyempre sobrang excited ako, nagpagupit na ako, I did start my own training para pagdating sa... pag nag-training talaga sa military, e, handa ako, kaya ko...
“But after two weeks po na nasabi nila, kumpleto na raw yung cast.
"And then, sabi nila, meron na silang pine-prepare na isa pang show for me.
“So, iyon po.”
Ikinalungkot ba niya ang hindi niya pagkakasali sa cast ng Descendants of the Sun?
“No!” mabilis na sagot ni Phytos.
Paliwanag niya, “Kasi, nung sinabi nilang, ‘Mas pina-priority ka rito sa isang show,’ mas natuwa po ako.
"Kasi, in-explain po nila sa akin yung possible role na wino-workout pa lang.
“And then, tsine-check po yung mga schedule, kasi I have my business po... I talked to Ms. Ali, sabi niya po, e, ‘Phytos, nilagay ka namin dito kasi I know na kaya mo itong show na ito.’
“So, super-happy ako kay Ms. Ali, na nagtiwala sila sa akin, yung capability ko sa pag-arte.
“Dahil medyo mature na po itong show na ito, e.”
Si Ali Dedicatoria ang program manager ng Madrasta at Descendants of the Sun.
Itutuloy ni Phytos ang training niya dahil sa Madrasta ay may mga seksing eksena kung saan magpapakita siya ng hubad na katawan.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Phytos sa taping ng Madrasta nitong September 2, Lunes, sa Sitio Elena Events Place sa Ortigas Extension, Cainta, Rizal.
Gumaganap siya rito bilang David na bestfriend ni Sean (Juancho Trivino) na magkakagusto rin kay Audrey (Arra San Agustin).
PHYTOS'S FAMILY BUSINESS
Noong nawala si Phytos sa showbiz ay pinagtuunan niya ng pansin ang kanyang negosyo.
“Nag-open po ako ng business ko. Hardware po and hollow blocks making po.
"Sa may Marikina po, taga-Marikina po ako. SPKM Enterprises po siya,” kuwento ni Phytos.
Pinagsama-samang initials iyon ng kanilang pamilya—Skevie (sister ni Phytos), Phytos, Myrna (mommy ni Phytos) at Koullis (ama ni Phytos na pure Greek).
“Nag-focus po ako doon for a year.”
Maganda raw ang takbo ng kanilang negosyo.
Biniro namin si Phytos, tiyak na marami siyang customer sa hardware dahil guwapo siya.
“May mga nauuto ako!” at tumawa si Phytos.
“Ako po yung nagpo-front sa kanila, pero si Mama po yung kumakausap since hindi po ako… sobrang different yung business industry, e.
“So hindi ko po alam kung paano iyon i-handle, so si Mama po doon.
"Ako lang po sa yung makikipag-meet para mag-front lang, ganun.
“Isang taon po akong ganun.”