Sa darating na September 9, ire-release na ang music video ng "Miss Flawless" na ni-revive ng newbie singer-actress na si Sachzna Laparan.
Makakasama ni Sachzna sa music video ang members ng Ex Battalion at ang former Eat Bulaga co-host na si Sinon Loresca.
Ayon kay RS Francisco, ang naturang music video ay shot on location sa Majayjay, Laguna at Phuket, Thailand. Mapangahas si Sachzna sa music video ng "Miss Flawless" dahil meron itong topless scene.
Kamakailan ay ginanap sa Dampa Seafood Grill sa Tomas Morato ang launch ng Ex Battalion para sa kanilang bagong kanta titled "Pakinabang" at ang music video nito.
Hindi naiwasang itanong sa grupo kung ang kanta na "Pakinabang" ay patama sa kanilang former manager na si Ai-Ai delas Alas. Iniintriga rin sila dahil ang music video nila ay may nakikitang karakter na crying lady.
Sa salit-salitang pahayag ng mga miyembro ng grupo ay sinagot nila ang isyu tungkol sa kanta na sila mismo ang nag-compose.
Pinapatamaan ba nila si Ai-Ai sa kanta nilang "Pakinabang?"
Sagot ni SKusta Clee: “Meron po bang, meron po bang… nakita niyo naman po, narinig niyo naman po kanina, lahat po kayo, di ba, na nandito ngayon sa press, nakita niyo po na wala pong pangalang nabanggit.
“Ibig sabihin wala po kaming pinapatamaan.
“Actually, kaya po 'Pakinabang' kasi uso po ngayon yan, e!
“Lalo kapag meron ka, may mga kaibigan tayong ganyan, e. Mahilig lang
makinabang tapos pag wala ka nang pera, pag walang-wala ka na, iiwanan ka,
di ba?
“So what’s the point na may patama… patama po yun sa lahat, para sa lahat
po ng mga tao," ani SKusta Clee.
Dagdag pa ni Flow G:
“Saka ano po, hindi po kami magiging specific sa kanta, hindi po kami gagawa ng para sa isang tao lang po.
“Siguro puwede nating hugutin sa isang tao yung mga gusto nating isulat, pero gagawin natin siyang parang general para lahat makaka-relate, lahat mag-a-adjust, yun lang po. Pero hindi po talaga kami gagawa ng kantang specific para sa isang tao.
“Parang sayang po, anim po kaming magsasayang ng oras para sa isang tao? Hindi po namin kayang mag-aksaya ng ganung oras. Gagawin namin ‘to para sa lahat, yung maraming matatablan, maraming maaapektuhan para mag-adjust sila kung ano yung mali nila. Yun lang po."
Giit pa ni Emcee Rhenn:
“Saka wala po talaga kaming pinu-point na tao dun sa kantang yun.
“Marami naman pong taong magagaling lang pag may napapakinabangan ka. Alam
namin lahat ng tao dito naranasan din yan, tama ba yun?”
Kamusta sila ngayon ni Ai-Ai?
Pag-amin ni Bosx1ne:
“Sa totoo lang po, hindi namin kinakausap ngayon, naka-block kami sa lahat ng account niya."
Kuwento pa ni King Badger: “From then on, wala na kaming narinig from her and nagulat na lang din kami na may lumabas na presscon videos."
Pagpapatuloy ni Flow G:
“Kaya po namin nalaman na naka-block na kami kasi nung napanood namin yung presscon na yun, gusto namin siyang kausapin through message lang kasi hindi po namin siya nakakausap personally talaga.
“Tapos nung gusto namin siyang i-message, naka-block kami, dun pa lang po namin nalaman, kaya wala na rin kaming nakausap.”
Sa tanong kung basta na lang ba sila iniwan ni Ai-Ai as talent manager, kinuwento ni Flow G: “Hindi na po tayo magmamalinis dito, hindi kami basta-basta iniwan, meron din kaming mga sariling kulit. Saka natural po yan sa mga relasyon ng manager, artist, wala pong perfect niyan.
“Kahit maghanap kayo hindi kayo makakahanap niyan.
“Hindi kayo makakahanap na relationship na manager at artist…
“Siguro marami din talaga kaming pagkakamali kaya iniwan niya kami. Hindi niya kami basta iniwan, may dahilan siya, huwag natin siyang maliin, may dahilan yung tao kaya iniwan niya kami, iyon lang.”
Nakinabang ba sila sa pagmamahal sa kanila ni Ai-Ai o si Ai-Ai ang nakinabang sa Ex-B?
Sagot ni Emcee Rhenn:
“Both sides siguro kasi parehas naman kaming may tinatanggap na cash!"
Klinaro naman ni Flow G:
“Pero follow-up ko lang dun sa sagot ko, bukod sa parehas kaming nakatanggap ng cash, hindi po kami nakalimot magpasalamat.
"Hindi po kami nakakalimot, nagpapasalamat po kami kahit wala pang dahilan bago magpasalamat, nagpapasalamat kami.
“Kasi Mama Ai namin siya, e.”
Ang rap group na mismo raw ang nagma-manage sa career nila ngayon.
Unang beses nilang humarap sa media matapos ang controversial presscon ni Ai-Ai noon kunsaan sinabi niya ang dahilan kung bakit sumuko siya bilang manager ng Ex Battalion.
(READ: Ai-Ai delas Alas, tuluyan nang binitawan ang Ex Battalion)
Paliwanag ni Flow G:
“Kasi dito lang po kami kumportable kasi Frontrow po yung nag-imbita sa amin.”
Ano ang mga nais nilang ilabas na saloobin?
Sagot ni Flow G: “Wala po kaming gustong ilabas kasi kung meron po man, nung nakaraan pa.
“Tapos na po yung isyu.”
Pagkatapos raw ng lahat mga nangyari ay natuto na silang mag-move on.
DISAGREEMENTS WITH AI-AI DELAS ALAS
Natanong naman ang grupo kung totoo bang sakit sila sa ulo at ano ang totoo sa mga napabalitang mga gigs or schedules na hindi nila sinipot noong nasa poder pa sila o under sa management ni Ai-Ai.
Pag-amin ni Bosx1ne:
“Siguro po masakit kami sa ulo. Iyon totoo yun!
“Pero yung mga schedules na hindi namin pinupuntahan, nag-usap na kami tungkol dun, e.
“[Sabi namin kay Ai-Ai], ‘Ma, baka puwedeng hindi namin pupuntahan yan kasi po hindi para sa amin yan, e. Hindi po namin forte yan. Baka po puwede.’
“E, gusto niya, andun kami, pinipilit niya kaming nandun, e, ayaw nga po namin. [Sabi namin], ‘Ma, hindi po puwede.’"
Sumang-ayon dito si Flow G at sinabi:
“Hindi naman po kasi lahat ng shows sa TV or sa kahit anong media, bagay po ang rapper.
“Alam niyo naman po ang rapper hindi po yan para sa lahat sa panahon na ‘to
kasi marami diyang ano na, ‘Uy, rapper-rapper lang yan!’
“Sa mata kasi ng iba, rapper lang yan. Kaya pati kami nawawalan kami ng lakas ng loob na magkaroon ng appearance sa isang show na alam naman naming hindi nila tanggap yung mga rapper dun.
“Bakit namin ipipilit yung sarili namin, di ba?”
Tinanong ang Ex-Battalion kung ano ang tinutukoy nilang programa. Sagot ni Bosx1ne:
“Halos po lahat yun na show… sa TV, hindi kami bagay dun kasi rapper po kami.
“Pagka andun po kami, ginagawa po kaming komedyante, gusto nila magpapatawa kami, gusto nila, magra-rap kami na kung anong gusto nilang i-rap namin.
“E, hindi po puwede yun."
Sumagot rin si Emcee Rhenn at sinabi:
“At saka, idagdag ko lang po, hindi po kami basta-basta hindi pumupunta, nagpapaalam kami sa kanya hangga’t maaari.
“Lagi po kaming nagpapaalam, kahit labag na sa amin, minsan mapipilit pa din kasi gusto niya talagang ma-push yung event na yun o ano man yun."
Ani Flow G:
“At nagpapaalam po kami, internal, kami-kami lang po ang nakakaalam. Hindi po kami nagpapaalam na nagpapa-presscon na hindi kami makakapunta sa ganitong gig.
“Sa kanya po direct, sa kanya kami nagpapaalam.
“And hindi naman namin idi-disregard kung hindi siya papayag talaga pag kailangan naming kumanta kasi may kontrata po kami. Hindi po kami lalabag sa batas.”
Kuwento rin ni James Brando:
“Maidagdag ko lang, since nabanggit na yan, yung ako sa mga shows, ayaw naming mag-drop ng kung ano pong particular na show pero siyempre ano na lang yun, ang sa amin kasi, ang nangyari kasi nun is meron kaming mga schedule na hindi… kami mismo, sa group, hindi namin alam.
“Sasabihin na lang, two days, three days, ‘O, kailangan niyo ‘tong puntahan.’
“Minsan a week before, meron na sana kaming plano na magpapaalam na ganun pero meron na siyang nai-book na ganun. Kaya sana nagkaroon ng coordination.
“Hindi namin siya sinisisi, hindi namin siya sinisisi as manager!
“Sobrang hanggang ngayon thankful kami kung ano yung mga naitulong niya sa amin. Kasi itinuturing pa rin namin siyang Mama namin pero dun sa nangyari, ako, since ayaw nilang magsalita, ako magsasalita ako.
“Naging unfair kasi sa amin yung nangyaring…”
Sa puntong ito ay inawat siya ni Flow G:
“Wait, wait, Paps, huwag na nating ilabas yan dito, parang ayokong, ayoko nang ipaglaban natin yung sarili natin dito.”
Pakiusap naman ni Flow G sa media:
“Kung meron pa po kayong mga ibang tanong tungkol sa mas mahahalagang bagay po, iyon na lang po kasi talagang pinalipas na po namin yang isyu na yan."
Pagtatapos ni James Brando:
“Nilibing na po namin lahat, nilibing na po namin lahat ng mga alaala namin, nasa video na po nakita niyo naman sa video nilibing na namin ang lahat ng kahapon.”
Sa opening scene kasi ng Pakinabang music video nila ay isang funeral scene ang mapapanood.