“Walang masyadong nasasaktan, walang masyadong nai-stress. I like it better this way.”
Bahagi ito ng pahayag ni Jake Zyrus, 27, tungkol sa kasalukuyang estado ng relasyon nila ng inang si Raquel Pempengco.
Malalim na ang hidwaan ng mag-ina, pero ang pinakahuling kaganapan ay ang hindi pagtanggap ni Raquel sa pagiging transgender man ni Jake—na dating kilala sa pangalang Charice Pempengco.
Vocal din si Raquel sa pagkontra niya sa pagkakaroon ng karelasyong babae ng anak.
Lalo pang lumaki ang gap ng dalawa nang ilarawan ng singer ang sariling ina na “evil queen” at “abusive mother” sa kanyang autobiography na I Am Jake.
Pero mula noong December 2018 hanggang sa kasalukuyan ay tumahimik ang away ng mag-ina.
Sa press conference ng kanyang album launch na Jake Zyrus Evolution nitong Huwebes, September 4, nagbigay ng update si Jake sa estado ng relasyon nilang mag-ina.
JAKE SAYS MOM RAQUEL HAS NOT FULLY ACCEPTED HIM
“Well, wala kayong naririnig,” simula ni Jake.
Nakakasagap daw ng balita si Jake mula sa kanyang tita na kasalukuyang nakatira sa poder niya.
“Yung tita ko naman kasi is very neutral, so minsan nakakabalita ako sa kanya.
“We don’t talk, like, directly, pero naririnig ko sa kanya yung mga kuwento.”
Nauunawaan daw ni Jake ang pinanggagalingan ng ina kung hindi pa rin siya tanggap nito ang kanyang pagiging trans man.
“In fairness kay Mother naman, siyempre hindi pa naman fully accepted, but the great thing about it is she’s not talking bad about anything.
“Hindi mo naman maiiwasan yun, mother is very traditional.
“She lives in that culture na hindi naman nag-iisa si Mother.”
Nagkataon lang na kilala si Jake kaya naging big deal, pero may mga karaniwang tao raw na may kapareho niyang pinagdadaanan sa pamilya.
“To be honest, it’s not different from some of the families out there.
“Natutuwa naman ako dahil I’m very proud, yung kapatid ko may trabaho, nabibili niya yung gusto niya. I’m very happy.
“Hindi man kami 100 percent okay, pero nararamdaman ko naman we’re not in that same place like we used to be—a very dark place na talagang grabe talaga.”
JAKE PREFERS TO KEEP DISTANCE FROM FAMILY
Diin ni Jake, mas maganda ang nangyayari ngayon sa kanilang pamilya, kahit hindi pa sila lubos na nagkakasundo.
“Hindi pa kami nag-uusap.
“Mas better sa ngayon yung ganoon, kasi baka the more na makita namin yung isa’t isa, baka maalala na naman, ganyan…
"So it’s better na ganito, na hindi niya nakikita.
“Alam niyang may sarili akong buhay, alam kong may sarili pa silang buhay.
“And I think it’s working, kasi katulad niya, she has her own life…
"Kumbaga, mas nari-realize nila what life really is without all this craziness, the fame, and everything.
“Yun yung makes me feel good.
“Para sa akin, the way our family handles everything, kung paano yung relationship namin, mas better kung anong meron kami ngayon.
“Walang masyadong nasasaktan, walang masyadong nai-stress.
“I like it better this day.
“Someday, I’m sure matatapos din ‘yan,” pagtukoy ni Jake sa alitan nila ng kanyang ina.
