“Ito na ang last card ko, na kailangan galingan ko. Dapat by this time, makuha ko na yung dream ko.”
Ito ang pahayag ng dating GirlTrends member na si Erin Ocampo, na pumirma ng kontrata sa GMA-7 noong July 22, 2019.
Ang GirlTrends ay ang all-female group na regular na nagpe-perform sa ABS-CBN noontime show na It’s Showtime.
Nagbagong-bihis ang grupo noong May 2019 at kilala na ngayon sa tawag na GT.
Matatandaang nasangkot pa noon sa away si Erin sa fellow GirlTrends members na sina Chienna Filomeno at Dawn Chang.
Isang taon ang kontratang pinirmahan ni Erin sa Kapuso network.
Nasa ilalim din siya ng pangangalaga ng GMA Artist Center, ang Kapuso talent management arm.
Ano ang mga proyektong pinagkakaabalahan niya ngayon?
“Kakatapos ko lang po sa Pepito Manaloto, sa Magpakailanman, kami pong dalawa ni Jak Roberto.
“And ngayon, may ginagawa po akong Beautiful Justice bilang Maika,” pahayag ni Erin nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa isang pocket press conference nitong September 5, Huwebes.
Ang Pepito Manaloto ay isang weekly sitcom, habang ang Magpakailanman ay ang weekly drama anthology ng GMA-7.
Ang Beautiful Justice ay ang upcoming Kapuso prime-time series na pinagbibidahan nina Yasmien Kurdi, Bea Binene, at Gabbi Garcia.
Masayang balita pa ni Erin, marami pang nakalinyang proyekto para sa kanya sa GMA-7.
ERIN THANKFUL TO IT’S SHOWTIME AND GIRLTRENDS
Ayon kay Erin, ngayon lang siya nabibibigyan ng magagandang proyekto kahit siyam na taon na siya sa showbiz.
Nagsimula si Erin bilang Star Magic talent noong 2009. Kabilang sa batchmates niya sina Elisse Joson at Chie Filomeno.
“Masaya po," sambit niya tungkol sa paglipat ng istasyon.
"Sobrang thankful kasi nabigyan ako ng opportunity dito lalo.
“Masaya po ako talaga.
“Napapansin ang talent ko, di ba, 'tapos bagong environment, bagong mga ka-workmate, maano naman po silang lahat… madaling pakisamahan.”
Palagay ba niya ay tama rin ang nangyaring naalis siya sa GirlTrends at mag-solo?
Sagot ni Erin, “Thankful po ako na naging part ako ng Showtime, sobrang pasalamat ko sa kanila.
“Thankful din po ako, wala po akong pinagsisisihan kung naalis man ako, kung napunta ako ng [GMA] 7.
"Thankful po ako sa lahat ng nangyari sa akin.”
Kung nawala man siya sa GirlTrends, naniniwala si Erin na, “Parang hindi po talaga para sa akin yun, kaya thankful na rin ako at nangyari.
"Kasi, mas may magandang oportunidad na nangyari… na dumating.”
Binanggit pa ni Erin ang isang disadvantage kapag kasama sa isang grupo.
“May time na nabibigyan ka ng focus, may time na hindi.
“Sa isang grupo naman po, lalo na kung hindi ganoon pa kilala, merong isa at isa na aangat.”
Dagdag niya, “Gusto ko pong makilala nang solo, bilang ako, bilang aktres.
“Kasi kaya kong gawin lahat, parang gusto kong i-showcase yung talent ko dito sa 7.
“Kasi feeling ko, sa sobrang daming artists doon [ABS-CBN], hindi na siya mapapansin namg ganun, e, na parang kahit gaano kagaling kumanta, sumayaw, umarte…”
ERIN ALMOST GAVE UP HER SHOWBIZ DREAM
Noong nakaraang taon, muntik na raw sumuko si Erin sa kanyang showbiz career.
Lahad niya, "Last year, ayun po yung pinaka-point ko na ayoko na.
“Two years ago, nag-decide ako na mag-aral ng culinary.
"Kasi feeling ko, gusto ko na lang mag-stop, kasi napapagod na ako.
“Maging cook na lang ako sa hotel o sa ibang bansa.
"'Tapos ayun, nabigyan ako naman ako ng opportunity ulit.”
Sa pagkakataong ito, ayaw raw sayangin ni Erin ang oportunidad na naibigay sa kanya kaya sinisikap niyang husayan ang trabaho.
“Kaya lahat ng character na pinu-portray ko, ginagalingan ko talaga. Inaaral ko yung script.
“Nakikinig ako sa director, nakikinig ako sa nagpapayo sa akin.
“Kasi for me, this is my last card, e.
“For nine years, andami ko nang napagdaanan, andami ko nang napasok, andami nang nangyari sa buhay ko.
“Ito na yung pinaka-last talaga.”
