Ginawa na lang katatawanan ni Kit Thompson ang isang lumang video niyang nag-viral sa Twitter kamakailan bilang meme.
Sa video, makikitang umiiyak ang binatilyo pa noong si Kit habang pinipigilan ang sariling magmura dahil sa matinding galit.
Fifteen years old lang sa video si Kit, na nang mga panahong iyon ay isa sa housemates ng Pinoy Big Brother: Teen Edition 4, taong 2012.
Kuha sa loob ng Bahay ni Kuya, sinabi ng naiiyak na si Kit, “Gusto kong sumabog, at sabihin ang masasamang… mga words.”
Nangyari ang insidente sa open forum ng housemates matapos silang magkainitan dahil sa pagluluto ng manok, makaraan silang parusahan ni Big Brother dahil sa pagpapasaway.
August 28, 2019 nang in-upload ng Twitter user na si Stace Tubeza ang nasabing lumang video ni Kit, bilang meme.
Ginamit ng Twitter user ang video ni Kit bilang reaksiyon sa: “yung hindi lumabas sa exam yung pinag-aralan mo.”
yung hindi lumabas sa exam yung pinag-aralan mo pic.twitter.com/eIi5r4vlaY
— stacy (@stacetubeza) August 28, 2019
Mabilis na nag-viral ang nasabing lumang video ni Kit, na ginawan din ng meme ng iba.





KIT THOMPSON JOINS THE FUN
In-upload din ng Cornerstone Entertainment, ang talent agency ni Kit, ang nasabing video sa mismong Facebook account ng aktor.
Kasunod nito, nag-upload si Kit ng sarili niyang video sa Facebook nitong August 31 bilang reaksiyon sa viral meme.
Sa umpisa ng video, makikitang seryoso ang mukha ni Kit, na 22 anyos na ngayon.
Sabi niya, “Ba’t niyo hinahalungkat mga old videos ko?
“Gusto kong magsalita ng mga masasamang… words,” panggagaya niya sa sarili, na sinundan ng tawa.
Sa Instagram nitong September 4, nag-post naman si Kit ng litrato niya, at may patama pa rin sa viral old video niya ang caption.
Caption ni Kit: “Tahimik lang ako… pero sasabog nako.”
Natuwa naman ang fans ni Kit na hindi napikon ang aktor at sinakyan na lang ang isyu.



Bagamat pansamantalang nag-hiatus sa showbiz nang bumalik sa Amerika, aktibong muli sa showbiz si Kit sa ngayon.
Napapanood si Kit sa iWant movie na Momol Nights.
Katatapos lang din ipalabas ng pelikula niyang Belle Douleur kasama si Mylene Dizon, at ng teleserye niyang Sino Ang May Sala? Mea Culpa, sa ABS-CBN.
