Nakatayo at nakangiti habang nakasaklay ang komedyanteng si Michael “Eagle” Riggs sa Facebook post niya nitong Setyembre 6, Biyernes ng tanghali.
Matagal-tagal siyang naratay sa higaan matapos masagasaan ng motorsiklo noong Agosto 18, Linggo ng madaling-araw, sa Puerto Princesa City sa Palawan.
Inoperahan ang kanyang paa noong gabing iyon at tatlong araw na sakdal kirot ang kanyang pakiramdam.
Hopefully ay makakabalik na siya sa Kamaynilaan next week. Hinihintay lang niya ang permit na makapag-travel mula sa kanyang doktor.
Matatagalan pa bago makalakad nang maayos si Eagle.
“Mga six months. Di pa nga ako marunong magsaklay. Tumataub-taob pa ako,” sabi ni Eagle nang maka-chat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) via Messenger nitong Biyernes ng hapon, September 6.
“Nag-a-adjust pa raw ang body ko sa bakal sa loob ng katawan ko.
"Namamaga ang leg ko na may bakal kapag nakababa nang matagal. Namamanas. Kaya dapat, laging nakataas muna.
“Inom pa rin ng antibiotics at pain killers ang kailangan, at matinding rehabilitation para makalakad ako nang normal.
“Pagdating ko sa Manila, hindi pa puwedeng mag-therapy. Kailangang maghilom muna ang sugat sa loob ng paa ko.”
EAGLE'S REALIZATIONS
Nakangiti man sa mga litrato, nalulungkot si Eagle sa mga natanto niya habang nagpapagaling.
Kuwento ni Eagle, “I realized the importance of family.
"Mahirap pala talagang mag-isa at malayo sa pamilya. Wala ako ni isang relative dito sa Palawan.
“Iyong akala kong friends ko rito sa Puerto Princesa ay hindi na nagpaparamdam, hindi na nangungumusta kahit man lang sa text..."
Ang isang kaibigan nga raw niya ay "bigla na lang nawalang parang bula."
“Noong una, tumutulong siya sa minor expenses ng hospital bills ko. Dumadalaw once a day.
"Pero noong bandang huli, nawala na.
“Ni hindi ako sinundo sa hospital noong nagpa-discharge ako.
"Ni hindi ako inisipang hanapan ng place to stay habang sariwa pa ang sugat at hindi pa ako puwedeng lumipad pauwi.
"Sa huling pag-text ko sa kanya para sa pagsagot sa airfare ko sana, kasi pa-rebook lang yun, pati ticket na dapat ay sagot niya, ay hindi na raw niya maaasikaso.
“Hindi na lang ako sumagot pa...
“Mabuti na lang, may isa akong friend na si Yolly Costin na nagmagandang-loob pa-stay-in ako sa bahay niya until this day.”
FRIENDS FROM MANILA AND ABROAD
Move out muna si Eagle sa bahay ni Yolly dahil may bisita roon ng tatlong araw.
Baka walang signal ng wifi o cellphone sa lugar na lilipatan niya ngayong Friday night.
Saad pa ni Eagle, “May napapakiusapan akong member ng Ang Dating Daan lokal ng Puerto Princesa na si Brod Roger na sama-samahan ako at alalayan, na dapat ay at least, si bar owner man lang ang mag-provide.
“Sa nangyaring ito sa akin, nakilala ko kung sinu-sino ang mga tunay kong kaibigan, lalo na rito sa Palawan.
“Kahit malayo ako, non-stop ang pangungumusta ng friends ko na nasa Manila & abroad sa kalagayan ko.
“Iyung nakaluluwag sa buhay ay nagpapadala ng fruits, flowers, at financial support. Maraming salamat sa tulong at pagmamahal!
“Special thanks kina Judy Ann Santos, Dawn Zulueta, Biboy Arboleda, Gladys Reyes, Congressman Dan Fernandez, high school friends from Saint Joseph's Academy Alumni Association sa Las Piñas, at college friends from UST Comm Arts batch ‘87 and Teatro Tomasino.
“Pati na rin sa friends from ABS-CBN & GMA, and most of all Kuya Daniel Razon & Brod Eli of UnTV and Ang Dating Daan.
“Marami pang nagpadala at nag-pledge ng financial support in their own small way. Pasensya na kung nakalimutan kong banggitin.”
BENEFIT SHOW FOR EAGLE
May binubuong benefit show para kay Eagle ang mga kaibigan niya sa Manila, para pambili niya ng gamot at rehabilitation.
Punong-abala rito si Richard Villanueva, at baka sa October 6 ito ganapin sa Chelu bar sa Malate, Manila.
Lahad pa ni Eagle, “May isa pa ngang indie film na naka-line up akong gawin ang willing mag-antay sa akin at bagay ang role, teacher ako na nakasaklay...
"Para sa mga friends ko sa Puerto Princesa na parang nakalimutan na yata ako, pinapatawad ko na sila at baka may mas importante pa silang bagay na inaasikaso kesa sa akin.
“Tama si Kuya Daniel Razon — may awa ang Diyos. Kahit ano ang mangyari, magpasalamat pa rin tayo lagi sa Diyos.”
