Bilang isang batikang actor-director, walang kaso kay Michael de Mesa kung ang direktor niya sa isang proyekto ay baguhan.
“In fact I welcome that, e. I welcome that.
“Of course, hindi naman lahat ng direktor katulad ni Direk Anthony, kasi ang nagustuhan ko sa kanya, alam niya yung kailangan niya, alam niya yung ginagawa niya.
“Meron din akong mga baguhang direktor na nakatrabaho na magtataka ka kung bakit sila naging direkor,” at tumawa si Michael.
Tumangging magpangalan si Michael ng mga ipinagtataka niya kung paanong naging direktor.
“Pero merong ganun, may mga experience akong ganun na para bang…
“Okay lang, hindi naman ako ano, like, naniniwala pa rin ako na the director is still the captain of the ship.
“So, kung ano yung hinihingi sa ‘yo ng direktor, siyempre iyon ang dapat masunod.”
Kahit nabababawan siya sa direktor?
“Oo, kahit mababaw yung hinihingi, 'O siya, iyon ang gusto, e, di ibigay.'”
Ang direktor ng Marineros na si Anthony Hernandez ay gumanap din bilang Marigold sa pelikula.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Michael sa mediacon ng Marineros noong Agosto 28 sa Max’s restaurant sa Scout Tuason St., Quezon City.
DOING INDIE FILMS
Maraming indie films na ang nagawa ni Michael. Ano ang fulfillment niya sa paggawa ng mga ganitong pelikula?
“It’s nice to be part of something that, you know, relays a very, very important message or recognizes important people in our society.
“Kasi, hindi naman lahat ng projects, ganyan.
“So, it’s nice to be part of something that has value kumbaga. Yung meron ka talagang mase-share para sa mga taong hindi masyadong napapansin ng society,” sabi pa ni Michael.
Ang Marineros, na isang advocacy film, ay kuwento ng buhay ng mga seaman o seafarer at ng kanilang mga pamilya.
Ipapalabas ito sa mga sinehan sa September 20.
LOLO MICHAEL
Dalawang buwan na ang bagong apo ni Michael de Mesa sa anak na si Geoff Eigenmann at singer na si Maya.
“Pito na!” ang tumatawang bulalas ni Michael bilang pagtukoy kung ilan na lahat-lahat ang mga apo niya.
“Grabe, sobrang saya!”
Hindi pa niya alam kung kailan magpapakasal sina Geoff at Maya.
“Hindi ko siya tinatanong. Alam ko, engaged na sila, I think yeah, engaged na sila.
“Pero yung date, hindi ko pa alam kung kailan.”
Sa pitong apo niya, ang bago ba niyang apo ang paborito niya?
“Lahat ‘yan, favorite ko! Lahat ‘yan.”
Ma-spoil ba siyang lolo?
“Ang masasabi ko lang, mas mahirap magsabi ng hindi sa apo kesa sa anak!” at tumawa si Michael.
“As much as possible, kung kaya kong ibigay sa apo, ibibigay. Basta sila ang humingi.”