First time nakatanggap ang singer-comedienne na si Tuesday Vargas ng Best Supporting Actress award mula sa 2019 Pista ng Pelikulang Pilipino para sa pelikulang LSS (Last Song Syndrome).
“Yes, first time ko lang. Nakakatuwa, after 15 years [in showbiz], magsi-16 na,” masayang bungad ni Tuesday after ng awards night ng PPP3 noong Setyembre 15, Linggo, sa One Esplanade, Pasay City.
“Dapat hindi ako pupunta kasi walang bantay yung bahay namin,” sabay tawa ni Tuesday.
“Pag Linggo kasi, walang kasambahay. So, taong-bahay talaga ako pag Linggo.
“Kaya sabi ko, ‘Hindi na lang ako pupunta kasi pambata ‘tong pelikula, so, yung mga bata na lang mag-represent ng movie.
“Pero minessage ako ng prod [production]. Pinilipilit nila ako, ‘Ate, dapat nandoon ka. Kasi, sabsay-sabay nating ginawa yung pelikula.’
“So, dapat sabay-sabay kami andoon para suportahan ang pelikula. So, dali-dali, naghanap ako ng masusuot. Tumakbo ako rito, ganoon.”
Anong naramdaman niya nang tinawag ang pangalan niya bilang Best Supporting Actress?
“Nagulat po,” bulalas niya.
“Kasi, Jaclyn Jose, e. Pagkatapos nung Tuesday Vargas, may sinabing Jaclyn Jose. Sabi ko, 'Yun lang.' Gumanoon kaming lahat.
“Pero noong tinawag po ang pangalan ko, sobrang ang bait talaga ni Lord. Ang bait ni Lord.
"Hindi Niya binigay sa akin yung award nung bata pa ako sa showbiz.
“Ngayong malapit na akong mag-40 na, alam ko na ang ginagawa ko kahit papaano, marami akong natutunan sa mga katrabaho ko, saka Niya ako binibigyan ng blessings na kagaya nito.
“Kaya nakaka-inspire na gumawa ng marami pang pelikula kasi, yung pagpapakilala ng ganyan, cherry lang yan sa lahat.
“Ang pinakamagandang blessing ay yung nagtatrabaho ka.
“For 15 years, never akong nawalan ng trabaho at salamat sa lahat ng direktor, mga producer na nagtitiwala sa akin paulit-ulit.”
DRAMATIC SCENES
Bonggang-bongga si Tuesday sa confrontation nila ni Bernard Palanca, na gumanap bilang ama ng anak niyang si Khalil Ramos.
“Iba po yung challenge nung dramatic scenes namin ni Khalil, kasi may ano na talaga… may true-to-life hugot kasi, single mom.
“Tapos, abandonada.
“So, maraming pinanggalingan lahat ng binuhos kong luha doon sa eksena. Kaya siguro naramdaman din ng mga manonood na, hindi na ako nagtago.
“Sabi ni Direk, ‘Basta bumitaw ka na lang.’
“Sabi sa akin ni Direk Jade [Castro], ‘Gawin mo na lang basta kung ano yung nararamdaman mo.’”
Sa palagay niya, mas seseryosohin na siya bilang aktres sa industriya after winning an acting award?
“Okay lang naman kahit hindi nila ako seryosohin. Doon tayo kumikita, e. Hahaha!
“Pero masarap po, masarap po ang pakiramdam na makita nila naman yung kabilang side, oo.
"Na kaya mo naman palang gumawa ng ibang bagay… maraming salamat.”
Mamimili na ba siya ng roles na tatanggapin?
“Hindi… walang ganoon,” iling ni Tuesday.
“Basta kung ano lang yung ginagawa ko dati. Basta, trabaho lang. Kung ano yung dumating, salamat.
“May offer, thank you. Wala pong magbabago. Ganoon pa rin.”
At hindi nakakahon lang ang susunod na proyektong gagawin niya?
“Oo nga,” pag-ayon niya.
“Thank you sa pagbibigay ng opportunity na gumawa out of my comfort zone.
"Kasi, bihira yung direktor na lagi akong binibigyan ng role na best friend, ah, lagi akong sidekick.
“Ngayon, nanay ako na merong marka sa buhay ng anak ko.
“Na meron akong gustong sabihin sa mga gaya kong nanay.
"Kaya ang ganda kasi, bukod sa maganda yung role, nabigyan ko ng boses yung mga nanay na kagaya ko.”