Arestado ang sikat na rapper na si Loonie, kasama ang kanyang kapatid na babae at tatlong iba pa, sa drug buy-bust operation sa Makati City.
Ayon sa report ni Lt. Jeson Vigilla, ng Makati City Police, ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit ang operasyon bandang 8:45 ng gabi nitong Miyerkules, September 18, sa basement parking ng isang condominium tower sa Polaris Street sa Barangay Poblacion.
Dinakip si Loonie, 33, Marlon Peroramas sa tunay na buhay, taga-Pasig City.
Arestado rin ang kapatid niyang si Idyll Liza Peroramas, 28; at sina David Rizon, 35; Ivan Agustin, 26; at Albert Alvarez, 57 anyos.
Si Idyll Liza ang tumatayong manager ni Loonie.
Batay sa police report, itinakda umano ng rapper ang transaksiyon sa lugar kung saan may gig daw ito.
Sinabi pa ng pulisya na iniabot umano ng grupo ng rapper sa poseur-buyer ng pulisya ang isang kahon na naglalaman ng 15 sachet ng hinihinalang high-grade marijuana o kush.
May street value na P105,000 ang nasabing ilegal na droga, ayon pa rin sa pulisya.
Nakumpiska rin umano mula sa grupo ng rapper ang marked money.
Ayon sa pulisya, mahigit isang buwan na nilang sinu-surveillance ang rapper matapos silang makakuha ng impormasyon na nagbebenta umano ito ng marijuana.
Mariin namang itinanggi ni Loonie ang akusasyon, ayon sa pulisya.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Sections 5 (pagbebenta ng illegal drugs) at 13 (pag-iingat ng illegal drugs) ng Article 2 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).
Ang nasabing paglabag ay may katapat na parusang 12 hanggang 20 taong pagkakakulong, at multang aabot sa P100,000-P500,000.
LOONIE IN HIATUS SINCE MAY
May 30, 2019 nang ihayag ni Idyll Liza, gamit ang official Facebook account ni Loonie, na ang rapper “will be off the grid, primarily, for security reasons.”
Ayon pa sa official statement ng kapatid ni Loonie, bukod sa may natatanggap na death threat, iniinda rin umano ng rapper ang akusasyon na gumagamit ito ng shabu.
Sinabi sa pahayag na napapagitna rin si Loonie sa annulment sa asawa, kung saan mayroon itong dalawang anak.
Bukod dito, dumadanas din umano ng depression ang rapper.
Nakilala si Loonie bilang isa sa pinakamahuhusay sa FlipTop Battle League, ang una at pinakamalaking professional rap battle conference sa bansa.
