May suggestion si Regine Velasquez para kahit paano ay maresolba ang hindi matapus-tapos na problema sa traffic sa Metro Manila.
Sa kanyang tweet ngayong Huwebes ng umaga, September 19, sinabi ni Regine na maaaring “I try ng mga kumpanya na iba ibang oras ang labas ng mga tao.”
Ito, ayon sa singer, ay upang “medyo gumaan ang traffic.”
Tweet ni Regine (published as is):
“May suggestion bakit kaya hindi I try ng mga kumpanya na iba ibang oras ang labas ng mga tao. Para sa ganon medyo gumaan ang traffic.
“Kaya lang ang dami nila ano yun pag uusapan ba nila?? o bawat lugar ba??? Ay ewan #lalang.”
May suggestion bakit kaya hindi I try ng mga kumpanya na iba ibang oras ang labas ng mga tao. Para sa ganon medyo gumaan ang traffic. Kaya lang ang dami nila ano yun pag uusapan ba nila?? o bawat lugar ba??? Ay ewan #lalang
— regine alcasid (@reginevalcasid) September 18, 2019
OTHER SUGGESTIONS FROM NETIZENS
Nagkani-kanya naman ng reaksiyon at sariling suggestions ang mga Twitter followers ni Regine.
Ilang netizen ang nag-update kay Regine at sinabing may mga kumpanya nang nagpapatupad ng flexible working hours, at may ilan na ring nagwu-work from home sa ngayon.


May nagmungkahi ring mag-provide ang malalaking kumpanya ng matutuluyan ng ilan nilang empleyado para hindi na maobliga pa ang mga ito na sumabak sa traffic.

Komento naman ng iba, dapat kasi na pareho lang ang rate ng suweldo at may “equal opportunities” ang mga nasa probinsiya at nasa Metro Manila, upang hindi na nagsisiksikan sa Kamaynilaan ang mga manggagawa.

Mahalaga rin, anila, na ayusin ang public transportation sa bansa, partikular sa Metro Manila.

Samantalang isa naman ang nag-suggest na bawasan ang mga pribadong sasakyang bumibiyahe sa mga lansangan.

PRIVATE CARS BAN IN EDSA
Matatandaang ito ang naging mungkahi ngayong linggo ni Caloocan City 2nd District Congressman Edgar Erice.
Suhestiyon ng kongresista, magpatupad ng private cars ban sa EDSA simula 6:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga, at 6:00 ng gabi hanggang 9:00 ng gabi.
Ito, ayon kay Erice, ay upang masolo ng mga pampublikong sasakyan ang EDSA, habang mga alternatibong kalsada naman ang gagamitin ng mga pribadong sasakyan.
Pinalagan na nina Senate President Tito Sotto at Senator Ralph Recto ang mungkahing ito ng kapwa nila mambabatas.
TRAFFIC KILLS… LITERALLY
Kamakailan lang, nabunyag sa investigative report ng international news agency na Agencé France-Presse na maraming pasyente sa Metro Manila ang hindi na umaabot nang buhay sa ospital dahil naiipit sa matinding traffic ang ambulansiyang sinasakyan nila.
Ang nasabing report ang nagbunsod upang muling mabuhay ang debate kaugnay ng pagresolba sa problema sa trapiko sa Metro Manila.
