Trending ngayong Huwebes, September 19, sa Twitter ang #FREELOONIE kasunod ng pagkakaaresto sa sikat na rapper na si Loonie sa drug buy-bust operation sa Makati City.
Kagabi, September 18, dinakip ng Makati City Police si Loonie—Marlon Peroramas ang tunay na pangalan—kapatid niyang babae, at tatlong iba pa, sa anti-drug operation ng pulisya sa Barangay Poblacion sa lungsod.
Batay sa police report, nasamsam umano mula sa 33-anyos na rapper ang 15 sachet ng hinihinalang high-grade marijuana—na nagkakahalaga ng P105,000—ilang cell phone, at ang marked money.
LOONIE DENIES DRUG CHARGES
Sa video ng panayam kay Loonie kagabi, na in-upload ng ABS-CBN News, mariing itinanggi ng rapper na nagbebenta siya ng marijuana.
Iginiit din niyang hindi sa kanya ang droga, pera, at mga gamit na nakumpiska umano sa nasabing police operation.
“Hindi totoo ng lahat ng paratang sa akin,” ani Loonie.
“Hindi po sa amin 'yan,” dagdag niya at sinulyapan ang ilang sachet ng hinihinalang droga, dalawang cell phone, at bultu-bulto ng marked money sa mesang nasa harap niya.
Giit ng rapper, “Hindi po sa akin 'yan.
“Ang cell phone ko po diyan yung isa. Yung maliit po, hindi po sa akin 'yan.
“'Yang pera po, tsaka yung lahat ng nasa sachet, hindi po sa akin 'yan.”
Sa kanyang paliwanag sa media, ipinahiwatig ni Loonie na ikinagulat niya ang pag-aresto sa kanya.
Aniya, “Pumunta po kami dito para sa batang may cancer.
“Nanggaling pa po ako sa radio interview… kanina.
“Dumiretso po ako dito 'tapos bigla na lang pong ganun.”
FANS RALLY BEHIND RAPPER
Dahil sa pahayag na ito ni Loonie, naniniwala ang fans ng rapper na “set-up” ang nangyari sa kanya.
Kasunod nito, nag-trending ngayong Huwebes sa Twitter ang #FREELOONIE, kung saan kinukuwestiyon ng fans ang operasyon ng pulisya laban kay Loonie, at hinihiling na palayain ang rapper.
Giit ng fans, may kinalaman ang musika ni Loonie sa pagpapalaki sa isyu ng buy-bust, habang dalangin din ng iba ang hustisya sa sinapit ng rapper.


Maraming netizens naman ang kumuwestiyon sa #FREELOONIE campaign.

Anila, natural lang na arestuhin ang sinumang nasasangkot sa isyu ng marijuana, dahil ilegal ito sa bansa.



Sinabi pa ng ilang netizens na dapat na sumusunod sa batas ang lahat—sikat man o ordinaryong tao.


MEDICAL MARIJUANA LAW STILL PENDING
Sa kasalukuyan, nakabimbin pa sa Kamara de Representantes ang House Bill No. 6517 (Philippine Compassionate Medical Cannabis Act) na layuning ituring na gamot ang marijuana, para maging legal na ito sa Pilipinas.
Una nang inamin ng Department of Health (DOH) na magiging pahirapan ang pagsasalegal sa medical marijuana sa bansa.
Ayon sa kagawaran, kailangan muna ng isang batas na tutukoy sa marijuana bilang produkto na maaaring iparehistro sa Food and Drug Administration (FDA).
Sa kasalukuyan, ang marijuana ay kabilang sa mga itinuturing na illegal drugs sa bansa, sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (Republic Act 9165).
Nahaharap si Loonie sa paglabag sa Sections 5 (pagbebenta ng illegal drugs) at 13 (pag-iingat ng illegal drugs) ng Article 2 ng RA 9165, ayon sa Makati City Police.
Ang nasabing paglabag ay may katapat na parusang 12 hanggang 20 taong pagkakakulong, at multang aabot sa P100,000-P500,000.
