Cancer-free na ang ama ng Kapuso actor na si Ken Chan.
Ito ang masayang ibinalita ni Ken nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa grand mediacon ng The Clash Season 2 sa Hive Hotel, Quezon City, last week.
Kuwento ni Ken, “He’s getting better, pero siyempre, nakaalalay pa rin kami sa kanya.
“Every month pa rin namin siyang pinapa-check-up.
“Pero sobrang blessing na po sa amin ngayon dahil cancer-free na po si Papa.
“‘Tapos, may The Clash pa, may One of the Baes pa,” pagbanggit ng aktor sa dalawang upcoming shows niya sa GMA-7.
Nagkaroon ng esophageal cancer ang ama ni Ken.
Habang ginagawa ni Ken noon ang afternoon drama series na My Special Tatay ay nagpapa-chemo treatment naman ang kanyang ama.
Sa isang interview ay sinabi pa ni Ken na ang naturang show ay para sa kanyang ama.
Lahad pa ng Kapuso actor, “Simula po ng My Special Tatay, naka-12 sessions din siya.
“Awa ng Diyos, ngayon po, masaya na si Papa.
“Buti na lang may mga shows. May My Special Tatay, dun ko po kinukuha ang mga panggamot, pang-chemo ni Papa.
“Ngayon naman po, normal na siyang muli.”
FAMILY'S BREADWINNER
Natutuwa rin si Ken na nakakasama na niyang muli ang ama sa iba niyang showbiz commitments.
“Nagmu-mall show ako, sumasama siya.
“Kasi before po, noong wala siyang sakit, siya ang palagi kong kasama.
“Noong nagkaroon po siya ng cancer, hindi na siya nakakasama sa akin.
“Ngayong cancer-free na siya, sumilip siya sa mall show, na-miss niya raw. Yung mga tao, yung pagkakagulo.”
Si Ken ang tumatayong breadwinner sa pamilya nila at siya ang sumagot sa pagpapagamot sa ama. Kaya naman palagi raw nagpapasalamat ang papa niya sa kanya.
“Palagi nga pong umiiyak, e,” sabi ni Ken.
“Umiiyak po siya sa harapan ko. Nahihiya na raw siya sa akin kasi ang laki ng nagagastos.
“Sabi ko naman, hindi importante yun.
“Kahit na masaid ang pera ko, kahit na mawalan ako ng pera basta gumaling lang siya, wala akong pakialam.
“At totoo naman yun, lahat gagawin natin para sa pamilya natin.”
