Naging emosyunal ang rumored couple na sina Vice Ganda at Ion Perez sa "Mr. Q & A" segment ng It’s Showtime ngayong Biyernes, September 20.
Natagalan ang pagsisimula ng segment dahil nagkaroon ng technical problem sa set.
Bilang pampalipas oras, ininterbyu muna nina Vhong Navarro at Anne Curtis si Ion kung ano ang nangyari.
Medyo napataas ang boses ni Ion sa pagsagot kaya tinanong siya ni Anne kung ganun ba sila magsalita at mag-I-love-you-han ni Vice.
Natatawang sagot ni Vice, “I love you agad!”
Sabi naman ni Vhong, “Ganun kasi sila, kasi pinagsisigawan nila na mahal nila ang isa’t isa.”
Dagdag pang tanong ni Vhong kay Ion, “Paano ba sinasabi mo kapag sinasabihan mo siya? Gaano kalakas?"
Natawa lamang dito si Ion.
Sabi pa ni Anne, “Kunwari lang, meron kang pagsasabihan na mahal kita. Paano mo sasabihin yun, Ion, yung mahal kita?”
Tugon ni Ion na medyo may lambing ang boses, “I love you.”
Binalingan naman nina Anne at Vhong si Vice kung paano siya magsasabi ng ganun.
Sabi ng Unkabogable Star, “Paano ba? Paano ko sasabihin sa 'yo?”
Sabat ni Vhong, “Eksena na kayong dalawa na lang ang tao sa mundo. Magsasabi ka na ng nararamdaman sa kanya, at ikaw rin ganun.”
Kasunod nito, bumulong si Ion kay Vice at sinabing, “Tutal tayo naman dalawa sa mundo. Siguro, ito na yung pagkakataon ko para sabihin ko ang nararamdaman ko.”
Tanong ni Vice, “Ano yun?”
Pasigaw na sabi ni Ion, “I love you.”
Tugon ni Vice, "I love you. Uy, kinikilig ka.”
Pagkatapos nito ay biglang pinagpawisan at naiyak si Ion.
Tanong ni Vice, “Ba't ka naiiyak?”
Sabi ni Ion, “Hindi, kinikilig lang ako.”
Pagkatapos nito ay si Vice naman ang umiyak.
Paliwanag ni Ion kung bakit siya naiyak, “Wala, kasi ang saya kapag nakikita siyang masaya.
“Kasi ang sarap makita… ang sarap makita na masaya ang taong mahal mo.”
Ikinakilig naman ito ng audience.
Matagal nang usap-usapan ang relasyon nina Vice at Ion ngunit hanggang ngayon ay wala pang pag-amin mula sa kanila.
