Ibinahagi ng GT member na si Mica Javier sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang ilang detalye kaugnay ng nalalapit nilang kasal ng R&B singer na si Jay-R.
Pagbabalita ni Mica, “Malapit nang matapos yung wedding planning.
“Madali siyang process kasi maaga ko siyang nasimulan.
"I’m just really excited. Medyo chill lang kami ni Jay-R.
“Pero sa totoong buhay, marami nang nangyayari to fix, to finalize sa wedding namin.”
Nakapanayam ng PEP.ph si Mica sa farewell-thanksgiving presscon ng Los Bastardos noong September 18 sa 9501 Restaurantm ELJ Building, Quezon City.
Abala si Mica sa taping ng action-drama series ng ABS-CBN at iba pang commitments. Ganun din si Jay-R sa kanyang singing career.
Paano nila isinisingit ang pag-aayos sa kanilang kasal sa gitna ng mga trabaho nila?
Ayon kay Mica, “It’s hard. Kailangan magaling ka talaga sa time management.
“At ako, isa talaga akong magaling sa time management siguro, nakakapag-multitasking ako.”
Ano ang part ni Jay-R sa wedding preparations? Si Mica ba ang nasusunod sa lahat?
“Hindi… kaming dalawa,” tugon niya.
“Lahat ng gusto naming dalawa, pinag-uusapan namin.
“And kung meron kaming ideya na gusto kong gawin, kailangang ipa-approve ko muna sa kanya.
“And yung personality namin, sobrang similar yung taste namin sa ganyan.”
Walang conflict sa gusto nila?
“Wala,” tugon ni Mica.
Si Mica ay anak ni Javier, Leyte Mayor Sandy Javier, na siyang may-ari ng chicken chain na Andok.
Pamangkin din siya ng APO Hiking Society member na si Danny Javier.
BEACH WEDDING IN 2020
Tumanggi naman si Mica na magbigay ng himay na detalye tungkol sa wedding preparations nila ni Jay-R.
Aniya, “Wala pa akong details na maibibigay.
“Pero next year na siya, 2020, summer. Kasi beach siya e.”
Dito sa Pilipinas gagawin ang kasal?
“Dito sa Pilipinas,” pagkumpirma ni Mica.
“Huwag na nating pahirapan ang mga… ang laki kasi ng family namin both.
“So, some are flying in. Kasi yung family ni Jay-R, nasa Los Angeles.”
Ayaw sabihin ni Mica kung saang beach gagawin ang kanilang kasal.
Pero ililipad daw nilang lahat ang bisita at kamag-anak papuntang island resort kung saan gagawin ang kasalan.
Hindi pa rin makapagbigay ang 29-year-old morena beauty ng mga pangalang iimbitahan sa kanilang kasal.
“Wala pa,” aniya.
“After ng taping ng Los Bastardos, makakapag-focus na ulit ako.”
Ilang percent ang guests nila mula sa showbiz?
“Hindi ko pa po alam, e. Mahirap sabihin kasi nagku-cross yung showbiz saka yung family.
“Marami talaga kaming family and friends before showbiz.
“Pero marami rin sa kanilang actors or singers.”
Posibleng Christian wedding ang seremonyas dahil sa outdoor ito gagawin.
Sabi ni Mica, “I guess so. I’m still fixing it sa mga details na ganyan, pero outdoor siya.”
NOT A HINDRANCE
Kung kailan nakapagsimula na si Mica sa kanyang acting career, sa pamamagitan ng Los Bastardos, saka naman siya pakakasal.
Hindi kaya maging hadlang sa pag-angat niya bilang aktres kapag may asawa na siya?
Tugon niya, “For me, parang hindi.
“Siguro mas modern na po yung personality and mindset namin ni Jay-R na hindi hadlang ang pagsasama at pagkasal sa isa’t isa sa career namin.
“Both of us work very hard.
“Kami ay dalawang individuals na nabuo lang, pero we still have our individual careers, desires, dreams na kailangan naming itupad.
“Kaya yung kasal, parang commitment lang namin yun sa isa’t isa that we want to be together through our journeys in our respective lives and our careers.
“For me, hindi siya hindrance at all.
“If anything, parang yung support na alam ko meron na akong uuwian at may magsu-support sa lahat ng gagawin ko, mas makakapag-push pa yun sa akin para umunlad pa yung ginagawa kong career ngayon.”
LIVING TOGETHER
Umamin si Mica na nagsasama na sila ni Jay-R bago pa man sila ikasal.
“Yes, we are. Parang one year na.”
Isa raw itong paraan para subukan kung magiging click sila ni Jay-R bilang partners in life.
“Opo, part yun ng plan.
“Parang sabi ni Jay-R, ‘Gusto kitang makasama…’ because papunta na kami doon.
“Ako rin, gusto ko siyang makasama na kaming dalawa lang muna and, you know, we will figure it out kung meron kaming kailangang ayusin sa pagsasama namin sa bahay.
“Ako, mahilig akong mag-ayos, mag-interior design.
“Parang nagmi-merge lang yung buhay namin, very effortless.”
May mga nabago ba kay Mica habang nagsasama sila ni Jay-R?
Sagot niya, “Meron. Patience, understanding, selflessness.
“Ako po, sanay akong mag-isa, independent talaga ako.
“Bata pa lang ako, iniiwan na ako ng tatay ko sa ibang bansa na mag-isa.
“So, sanay-sanay akong mag-isa
“So now, I have to share my life, my living space with someone else.
“So, yes, malaking adjustments, pero we’re doing well with it.”
