Ano kaya ang ireregalo ni Rayver Cruz sa rumored girlfriend niyang si Janine Gutierrez, na magdiriwang ng kanyang 30th birthday sa October 2?
Sagot ng Kapuso actor-TV host, “Siyempre, nagpaplano ako ng isang solid na birthday gift.
"And hindi ko puwedeng sabihin, kasi pag nilabas natin, alam na niya, di ba? Hindi na siya masu-surprise.”
Mag-a-out-of-the country ba sila?
“Alam mo, gusto ko yung spontaneous na decision-making.
"Para gulat lang din siya, kahit ako, gulat ako sa decision na ginawa ko,” pahayag ni Rayver sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
RAYVER'S BIRTHDAY PARTY WHERE IT ALL BEGAN
Sa party ba ni Janine, if ever, ay imbitado sina Gerald Anderson at Julia Barretto?
Sa birthday party kasi ni Rayver nagsimula ang isyu nina Gerald, Julia, at Bea Alonzo.
Kumalat ang paparazzi photos nina Gerald at Julia na kuha mula sa birthday party ni Rayver sa isang high-end bar sa Taguig City noong July 20.
Ni-like naman ni Bea ang mga larawang ito na ini-repost ng ilang netizens sa social media.
“Ah, 'yan ang gusto niyo, e,” birong sagot ni Rayver.
Ano ang reaksiyon ni Rayver na sa party niya nagsimula ang isa sa mga pinakakontrobersiyal na issue sa showbiz this year?
“Hindi po ako sasagot ng ganyan, ng outside sa…”
Ka-close pareho ni Rayver sina Gerald at Bea.
“Close sila sa akin pareho, pero hindi na lang... hindi ako sasagot sa ganyan. Out of respect.”
Ano ang reaksiyon niya kapag tinitira o bina-bash si Gerald?
“E, andito naman ako palagi para sa kanya and mabuting tao si Ge.
"Kayang-kaya niya 'yang mga ganyan.
"Ano lang naman 'yan, ganun talaga ang buhay-artista.
“Kung ayaw mong ma-bash, e, di huwag ka na lang mag-artista!” at tumawa si Rayver.
Ano ba talaga ang nangyari sa party niya?
“Hindi po talaga ako sasagot tungkol diyan!”
Ano ang masasabi niya kapag nasasabihan si Gerald na playboy?
“Hindi po talaga ako sasagot diyan, ibahin na lang natin!" at muling tumawa ang Kapuso hunk.
“Tapusin na natin ito, kagaya ng sinabi ko, mabuting tao si Gerald, sobrang parang kapatid ko na yun.
"So, hindi ko na kailangan pang sumagot sa mga ganyan.
“Ang tagal na nun, huwag na nating ibalik, July 20 pa yun," pakiusap pa ni Rayver.
DATING STATUS WITH JANINE
Sina Rayver at Julie Anne San Jose ang hosts ng singing contest na The Clash Season 2 ng GMA-7.
Single si Julie Anne. Single din ba si Rayver?
“Dating kasi ako guys, e. I’m dating Janine Gutierrez, e,” bulalas ni Rayver.
“If I’m dating kasi a girl, or si Janine, si Janine lang dine-date ko.”
May mga hindi pa rin naniniwala na dating pa lamang sila ni Janine hanggang ngayon.
“Kailan kaya matatapos ‘tong dating na ’to? Sana, next time ma-interview niyo si Janine, kulitin nyo naman!” natatawang sabi ng binata.
Dapat sa kanya manggaling ang mga salita kung ano talaga ang estado nila dahil siya ang lalaki.
“Iyon nga yung gusto ko, yung talagang... di ba, pag kaabang-abang, yung parang lahat kayo, parang ‘Bakit ganun?’
“Tapos, iyon na! Ipe-presscon natin 'yan,” pagbibiro pa ni Rayver.
