Memorable kay Mica Javier ang mahabang fight scene nila ni Joshua Colet sa ABS-CBN series na Los Bastardos.
“Ito yung eksenang iniligtas ko si Isay [Maxine Medina] na parang gagahasain siya ni Connor [Joshua Colet]. Si Connor, may gagawin kay Isay, nahuli ko,” kuwento ni Mica.
“Nag-away kami ni Connor, five minutes long iyung sequence ng fight scene.
“Imagine niyo na five hours kaming nagpa-fight scene, tuluy-tuloy iyun, 5 sequences na binuo as one fight scene.
“At yung stunts na ginawa ko, naka-high heels pa ako noon. Kasi, iyung costume na ginawa nila, all-black na catwoman, catsuit tapos may high heels din ako.
“Ang dami-daming movement na ginawa ko doon, tapos yung landing ko sa pavement, concrete kasi yung pinag-aksyunan namin.
“Siguro, yung impact at pressure nun, hindi ako nakalakad for three days. As in ang sakit ng katawan ko. Akala ko, na-injure ako pero nabigla lang yung katawan ko.
“So ever since then, okay, alam ko na kung paano mag-stretch talaga, mag-fish oil, mag-vitamins. Kailangan, malusog talaga ako kung sasabak ako sa ganoon.
“Hindi naman ako na-injure na malala, thank the Lord at hindi nangyari yun, at naalagaan naman kami ng stunts director.”
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mica sa farewell presscon ng Los Bastardos noong September 18 sa 9501 restaurant, ELJ Bldg., ABS-CBN compound, Quezon City.
Masaya si Mica sa paggawa ng action scenes sa Kapamilya teleserye na ito.
Aniya, “Sa Los Bastardos ko napatunayan na kaya ko yung dream role na talagang ginusto ko. Yung reason na gusto kong maging actor, to become a versatile action star, dramatic actor, and Los Bastardos gave me that. Feeling ko, gusto ko pang mas i-push yun.
“Nakapag-train na po ako for shooting guns, Muay Thai, jiu-jitsu, boxing, at may background ako sa dance at gymnastics kaya nadalian ako sa pag-aaral ng fight scenes namin on the spot,
“Sa Los Bastardos, on the spot talagang itinuturo sa amin iyun. And for me, gusto ko, mas maganda pa yung form ko, mas malawak yung movement na kaya kong gawin sa susunod na project kung mabibigyan ako ng action role.”
Naisip ba niyang magiging isa siyang artista?
Napangiti muna si Mica at saka sumagot, “Hindi. Music talaga. Acting was the last form of arts na na-try ko. Hindi ko talaga sya inisip.
“Si Mr. M. [Johnny Manahan] ang nagsabi sa akin, ‘Why don’t you try workshops for acting? Kasi, sa itsura mo, parang marami kang puwedeng i-portray.’
“Tapos, nong nangyari yun, sineryoso ko ang acting workshop, dito at sa States din, nagustuhan ko siya.
“Iba rin siya, para siyang therapeutic process para sa akin. Kasi, iyung mga emosyon na dala-dala natin sa buhay, parang nagagamit ko siya sa eksena na hindi ko alam na may ganoon pala sa acting.
“So, really, I am passionate about it now.”
Si Johnny Manahan ay ang chairman emeritus ng Star Magic.
Magka-love team sina Mica at si Joshua sa Los Bastardos. May sensual scenes ang dalawa sa soap.
Issue ba sa fiance niyang si Jay-R ang kissing scenes at sensual scenes niya with Joshua?
Mabilis na sumagot ang 29-year-old actress, “Hindi naman siya issue pero, of course, between real life couples, meron talagang feelings na nararamdaman doon.
“Pero kaming dalawa ni Jay-R, nag-uusap talaga kami. Everything na nararamdaman namin, pinag-uusapan namin nang maayos.
“And naranasan din ni Jay-R na magkaroon ng love team with Kyla, sa music nga lang, pero sa kabila [GMA-7], nag-teleserye rin siya. Pero nararamdaman din naman niya iyun.
“Ayaw niya akong i-hold back sa craft ko sa pagiging actor dahil lang doon.
“And hindi siya nagiging issue dahil wala rin namang rason kung bakit kailangang maging issue. We have so much love and respect for each other.
“Hindi siya seloso.
“Well, if your vocal chords is your instrument pag singer ka, ang pagiging actor naman, iyung katawan namin ang instrument namin.
“So, kailangan talagang maintindihan iyun.”
Wala pang follow-up project si Mica pagkatapos ng Los Bastardos.
Aniya, “Meron na pong pinag-uusapan, pero po sa akin, patuloy lang iyung pagwu-workshop, patuloy na paghahanap ng go-see, casting, ibang opportunities, paggawa ng sariling content.
“Saka focus din ako sa music ko at iba pang projects ko.”