Lubhang memorable kina Derek Ramsay at Andrea Torres ang Kapuso primetime series na The Better Woman, na magtatapos ngayong September 27, Biyernes nang gabi.
Unang proyekto ito ni Derek bilang Kapuso, at unang pagsasama nila ni Andrea na umabot sa personal at totoong buhay ang relasyon nila.
Sabi ni Derek, “Yung pagbalik ko sa teleserye, medyo na-shock ako. Ang daming ginagawa. That’s why I had to back off sa movie with Kris [Aquino] and hindi na talaga mag-match ang schedule.
“They were kind enough na nga na doon daw sa Batangas kami mag-shoot, kasi, doon kami nagsu-shoot. Pero hindi talaga kaya.”
Kadalasan kasi ng location nila sa The Better Woman ay mga out-of-town tulad ng La Union.
Bukod dito, ang makatrabaho ang girlfriend na ngayon na si Andrea ang isa sa hindi niya makalilimutan.
“Getting to work with her [Andrea], hindi nakakasawa. Every time she performs, it’s just amazing and nakita naman na she puts a lot into the roles. Mahirap na mahirap ang ginawa niya rito.”
Papuri pa ni Derek sa pagganap ni Andrea bilang sina Jasmine at Juliet, “Walang time na kumalas siya.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press sina Derek at Andrea sa last taping day ng The Better Woman noong September 25, Miyerkules, sa Antipolo City.
Ikatutuwa ni Andrea kung mapapansin at mabibigyan siya ng award sa pagganap niya ng dalawang katauhan.
Ayon kay Andrea, “Siyempre naman, nasa list ko naman yun na ma-accomplish ko sana. Magkaroon ako ng madi-display ko sa bahay. Yun na talaga ang reward para sa show na ‘to.”
Hindi niya makakalimutan sa The Better Woman ang pagod.
“I think, ito ang show na sobra akong nakaramdam ng pagod talaga. Yung na-drain ka nang husto. Ibang klase yung pagod.
“Pero sabi ko nga, ganun kataas ang level ng pagod, pero ganun din kataas ang level of fulfillment. At saka parang na-stretch din talaga ang lahat ng na-workshop ko before, lahat ng natutunan ko before.”
Naging espesyal kay Andrea ang serye dahil si Derek ang leading man niya.
“Ever since naman, parang madali for me na makaeksena siya,” saad ni Andrea.
“Meron talaga kaming connection. Kahit hindi kami mag-usap, hindi kami mag-rehearse or gumawa ng kahit anong effort para gawin yung isang eksena.
“Di ba, ganun, parang kailangan mag-bonding muna kayo nang konti o mag-loosen up, wala, nagsi-synch kami. Kapag mataas ako, yun ang time na mababa siya or kapag mababa ako, yun ang time na mataas siya na hindi naman namin sadya o pinaplano.”
Vocal si Derek na talagang gigil na gigil siya sa isang karakter ni Andrea na si Juliet. Si Andrea naman, ito ang karakter na na-enjoy niya.
“Yes, nakakapaglaro ka kasi,” sabi ni Andrea.
“Pero, gusto ko rin si Jasmine kasi, yun ang ako. Hindi naman kasi ako loud talaga. Pero yun nga, nagkakaroon ng breather.”
Sabi namin sa kanila, naging saksi pala ang production sa pag-iibigan nila na nabuo sa loob ng isang season.
Sa kabila ng relasyon nila, ipinagmamalaki nila na nagawa nilang normal ang lahat lalo na ‘pag nasa set.
Ayon kay Derek, “You know what’s so different, usually kapag may ganyan, usually same tent kayo. Kami, pagdating namin sa set, professional. She stays in her tent.”
Sabi rin ni Andrea, “Kahit na mag-offer na magsama, seperate kaming talaga. Para lang maging normal na set-up.”
