Ayon kay Vice Ganda, “espesyal” sa kanya si Ion Perez dahil napapaligaya siya ng tinaguriang “Kuya Escort” ng It’s Showtime.
Ano bang meron kay Ion?
Nakangiting sagot ni Vice, “Ay, si Ion espesyal siya.
“Napapasaya niya ako, napapangiti, napapakilig niya ako.”
Ang ika-25 nga ba ng bawat buwan ang kanilang monthsary?
Noong September 25 kasi ay nag-post ang Unkabogable Star ng larawan nila ni Ion sa Instagram, kung saan nagpahaging siya sa It’s Showtime na “monthsary” nila noong araw na yun.
Ngunit paglilinaw ni Vice, hindi tuwing 25 ang kanilang monthsary.
“Ay, wala. Dahil hindi naman 25 ang monthsary namin,” matipid niyang sagot.
Bakit siya nag-post ng ganung mensahe para kay Ion?
Tugon ni Vice, “Unang-una, gusto ko.
"Pangalawa, kaya ko.
"At pangatlo, puwede naman.”
Hindi pa rin direktang kinukumpirma ni Vice ang totoong estado ng relasyon nila ni Ion, bagamat malinaw na higit pa sa pagiging magkaibigan ang kanilang ugnayan.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang entertainment press si Vice kagabi, September 30, sa presscon ng It’s Showtime para sa kanilang ika-sampung anibersaryo na magsisimula ngayong araw, October 1.
Kasamang dumalo ni Vice sa presscon ang co-hosts niyang sina Anne Curtis, Amy Perez, Ryan Bang, Jhong Hilario, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, at ang Bidaman finalists.

IT’S SHOWTIME 10TH ANNIVERSARY
Sa kanilang ika-sampung taon sa ere, magkakaroon ng bonggang selebrasyon ang It’s Showtime na binabansagan nilang “Sampu Sample” kung saan hindi lamang isang buwan ang itatakbo ng kanilang pagdiriwang kundi isang taon.
Isu-showcase din ng mga host ang kanilang talent sa "Magpasikat."
Sa nasabing pasiklaban, makakasama ng performers ang “madlang pipol” kaya engrande raw ang kanilang paghahanda.
Ibabalik din ng palabas ang kanilang mga dating segment kasama na ang dance contest na naglunsad sa karera ng XB Gensan.
Ilulunsad din muli ng show ang segments na nagpakilala sa mga world-class talents katulad ng El Gamma Penumbra, Fourth Impact, Rachel Gabreza, at TNT Boys.
