Magpapalamig muna sa Canada ang dating MYX VJ at Kapamilya actor na si Alex Diaz.
Ito ay matapos niyang masangkot sa “indecent proposal” controversy.
Bago siya lumipad patungong Calgary, nagpaalam muna si Alex sa kanyang mga tagasuporta sa Pilipinas sa pamamagitan ng Instagram noong Lunes, October 28.
Mensahe niya (published as is): “leaving the ph now for a little while.
“see you all in time.
“heres to being better than before soon—in mind, body and in spirit, cheers.”
Nalagay sa alanganin ang papausbong na career ni Alex nang ibinulgar ng fitness coach na si Miguel Lagman Chanco sa Facebook na nag-direct message (DM) sa kanya ang aktor para sa isang “indecent proposal.”
Hindi raw sana ito papansinin ng fitness coach, ngunit nainsulto raw siya dahil dalawang beses na itong ginawa ni Alex sa kanya.
Noong October 22, humingi ng dispensa si Alex sa kanyang management, kapamilya, kaibigan, at supporters.
Kasabay nito ang pag-amin ni Alex na isa siyang bisexual.
Sinabi naman ni Alex na wala siyang planong magsampa ng reklamo laban kay Miguel, na nagbulgar ng kanyang sexual orientation.
