Habang abala ang marami sa ating mga kababayan sa pagdalaw sa kanilang mga namayapang kaanak sa mga sementeryo o pagdalo sa Halloween parties ngayong Undas 2019, abala naman ang aktres na si Angel Locsin sa pamimili ng relief goods sa isang mall sa Davao City upang ipamahagi sa mga biktima ng magkakasunod na malalakas na lindol sa Mindanao.
Niyanig ng 6.5 magnitude earthquake ang ilang lugar sa Mindanao kahapon ng umaga, October 31.
Pangatlo na ito sa malalakas na lindol na yumanig sa Mindanao area.
Ayon sa Facebook post ng Davao Construction ngayong hapon ng Biyernes, November 1, namataan si Angel, kasama ang fiancé na si Neil Arce, sa NCCC Uyanguren Mall sa Davao City habang namimili ng relief goods.
Nakalagay sa caption: “Angel Locsin buying relief goods at NCCC uyanguren.
Thank you Ms Angel! Beautiful with a good (heart emoji).”
Ibinahagi rin ng ilang netizens ang kanilang pasasalamat sa ginawang ito ng Kapamilya actress.
Sa video namang ibinahagi ng SunStar Davao, makikitang pinagkakaguluhan ng mga tao sina Angel at Neil habang palabas ng shopping mall.
SENATOR RICHARD GORDON THANKS ANGEL
Sa pamamagitan naman ng kanyang Twitter account, pinasalamatan ni Senator Richard "Dick" Gordon sina Angel at Neil dahil sa personal na pagpunta sa Philippine Red Cross Davao del Sur Chapter at boluntaryong pagsama sa pamamahagi ng relief goods at hygiene kits sa mga biktima ng lindol.
Hindi na bago ang mga ganitong gawain ni Angel.
Kapag may kalamidad, nagkukusa siyang tumulong sa mga biktima na hindi ipinapaalam sa media katulad na lamang noong nagkaroon ng krisis sa Marawi City noong 2017.
Nag-subasta rin si Angel ng kanyang sasakyang 1970 Chevrolet Chevelle para naman sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda noong 2013.