May concert si Ronnie Liang sa November 8, ang Ronnie Liang: Love X Romance.
Gaganapin ito sa Music Museum sa Greenhills, 8:00 p.m., at kabilang sa mga special guests niya si Sarah Geronimo, Ella Cuz, at Janine Tenoso.
Ang concert ang magsisilbing launch ng kauna-unahang duet collaboration nila ni Sarah Geronimo na pinamagatang "Liwanag," composed by Marlon Barrinuevo.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ronnie sa Coffee Project sa Wil Tower sa Quezon City nitong nakaraang Martes, October 29.
LONGTIME DREAM
Nagkuwento si Ronnie Liang tungkol sa pag-aaral niyang maging isang piloto.
Pangarap daw talaga kasi ni Ronnie na maging piloto.
Ironically, ang pagiging singer niya ang nagbukas ng pinto para sa pangarap niyang ito.
Sa isang event dati sa The Fort ay ipinakilala sa kanya si Captain Arnel Miguel, ang may-ari ng aviation school na pinapasukan ni Ronnie, ang APG International Aviation Academy.
Nang mai-present kay Ronnie ang quotes o mga presyo na magagastos niya sa pag-aaral ng pagpipiloto ay sinunggaban agad ng male balladeer ang pagkakataon na mag-enrol at nagsimula na siyang mag-aral last year.
Anong year na ba siya ngayon? Pareho ba ito ng kolehiyo na may freshman, sophomore, junior o senior levels?
Tugon niya, “Depende kasi sa flying hours.
"Ang kailangan lang naman private pilot licence, you need at least forty hours.”
Mahigit twenty hours na ang naipundar ni Ronnie at kapag nakumpleto na niya ang forty hours ay maaari na siyang mag-apply para sa kanyang lisensiya bilang private pilot.
Lahad niya, “Puwede na akong magpalipad, halimbawa yung mga eroplano nila Chavit [Former Ilocos Sur Governor Chavit Singson], mga pribado...
“Excited na po ako!”
COMMERCIAL LICENSE
Wala ba siyang planong magpiloto sa mga commercial airlines tulad ng Philippine Airlines o Cebu Pacific?
Pagklaro niya, “Dun papasok yung commercial pilot na two hundred hours plus fifty hours Airbus rating.
"Ito na yung... simulation naman po iyon, na kung ano yung control ng mga sinasakyan natin, same din.”
Pag nakumpleto na niya ang mga proseso para maging private pilot ay itutuloy ni Ronnie ang pag-aaral at training parang maging commercial pilot.
Sa loob mismo ng eroplano nag-aaral si Ronnie at hindi sa classroom.
Napag-alaman namin mula kay Ronnie na sixteen years old pataas ay maaari nang mag-aral ng pagpipiloto, regardless kung high school or college graduate.
Pahayag niya, “Able to read and write.
“Pero yung mag-a-apply ka na sa airline company, at least college grad.”
NOT SETTING ASIDE SINGING/SHOWBIZ CAREER
Hindi raw iIwan ni Ronnie ang pagkanta at pag-aartista kapag isa na siyang ganap na piloto. At kung maaari nga ay kakantahan niya ang kanyang mga pasahero.
“Ang gagawin ko, halimbawa ako na yung kapitan, kakanta muna ako, ‘Sa iyong ngiti, ako’y nahuhumaling… good morning, this is Captain Ronnie Liang, welcome onboard! We will be cruising at an altitude of thirty five thousand feet. By the way, please download and stream my songs on Spotify and iTunes,’" at tumawa si Ronnie.
Ayon pa kay Ronnie, “I believe I can still accept shows naman and bookings pero hindi na yung regular ano. 'Tapos, puwede akong mag-record, mag-release sa Spotify, iTunes.”
Aminado si Ronnie na kapag may lisensiya na siya bilang piloto ay mas magigigng priority na niya ang pagpapalipad ng eroplano kaysa pagkanta at pag-arte.
Pahabol niya, “Pero I’ve heard ha, maximum of eight hours a day lang ang lipad, so may time pa sa pagkanta.”
Samantala, sa palagay ni Ronnie ay magtatapos siya bilang private pilot ngayong 2019.
Dasal niya, “God-willing, iyon pong commercial, by next year, either first or second quarter.
"Kasi kagaya po nung nakaraan, nag-sked ako ng one week sa Subic.
"Nag-stay ako dun, then araw-araw, alas-singko ng umaga, lipad ako nang lipad ng at least two-three hours a day.”