Naka-holding hands ni Alden Richards ang crush niyang member ng Korean all-girl group na BLACKPINK, si Lisa Manoban.
Pero hanggang sa mobile games lang muna.
Gayunman, masaya na ang Kapuso actor “kahit man lang sa laro makaholding hands” ang hinahangaang Thai rapper-dancer-model.
Sa katunayan, ang fanboy moment na ito ni Alden ang bumungad sa kanyang 5.62 million Twitter followers ngayong Lunes ng umaga, November 4.
Tweet ni Alden: “Kahit man lang sa laro makaholding hands. Good morning! (smile with blush emoji).”
Kalakip ng tweet ni Alden, 27, ang screenshot ng nilalaro niyang multi-player online role-playing mobile game na “Ragnarok M.”
Makikita sa screenshot ang character name na Starlord habang tumatakbo at kahawak-kamay ang character na cartoon version ni Lisa.
Kilala si Alden sa paglalaro sa naturang mobile game sa pangalang Starlord.
Ipinost din ni Alden ang screenshot ng player quest para makasama si Lisa sa The Land of Rune Midgart.
Kahit man lang sa laro makaholding hands. Good morning! ?? pic.twitter.com/3qGqwxMJmJ
— Alden Richards (@aldenrichards02) November 4, 2019
Mayroon nang halos 9,300 reactions at 1,700 retweets ang naturang post ni Alden at press time.
July ngayong taon nang iulat ng Korean entertainment website na allkpop.com na magiging game character si Lisa, 22, sa “Ragnarok M: Eternal Love.”
THE FANBOY IN ALDEN
Matagal nang hayagan si Alden sa pagpapahayag ng paghanga kay Lisa.
Sa katunayan, tinag pa niya ang BLACKPINK member sa Instagram post niya nitong October 9.
Caption ni Alden sa naturang post: “Yung tinitingnan mo lang siya sa malayo...”
Hanggang sa mailathala ang report na ito, naghihintay pa rin ang fans ni Alden ng reaksiyon si Lisa sa parehong posts ng aktor sa Instagram at Twitter tungkol sa foreign popstar.
WILL ALDEN CELEBRATE CHRISTMAS IN KOREA?
Sa panayam kay Alden ng mga entertainment reporters noong nakaraang buwan, naikuwento ng aktor na naging espesyal ang kanyang Korean experience noong August.
Maaalalang nagtungo sa South Korea si Alden noong August 28 upang tanggapin ang kanyang Asian Star Prize award sa 14th Seoul International Drama Awards.
Sinabi ni Alden sa entertainment press na nagustuhan niya ang bansang Korea, kaya naman plano niyang doon mag-Pasko sa susunod na buwan, kasama ang kanyang pamilya.
Sa parehong interview, unang inamin ni Alden na “na-hooked na ako kay Lisa” ng BLACKPINK.
